Mainit na isyu ang reproductive health. Hindi ito madaling talakayin dahil saklaw nito ang kapakanan ng kababaihan, relihiyon, at ang lubhang pagdami ng populasyon. Inabot ng taon ang debate sa Kongreso bago mapasa ang Reproductive Health Act sa Kongreso noong Disyembre.
Para kay Direktor Gil Portes, napapanahon ang isang pelikula — ang Bayang Magiliw — tungkol sa reproductive health, isang pelikula na uungkat sa moral, sosyal, at medikal na aspeto ng naturang usapin.
Pinili ni Portes at ng manunulat na si Enrique V. Ramos na bigyang buhay ang isyu sa pamamagitan ng pagpokus sa isang bayan sa probinsiya at ang mga nakatira roon. Ang pangalan ng lugar: Bayang Magiliw.
Sa unang tingin ay mapagkakamalang isang karaniwang bayan ang Magiliw. Ang katunaya’y sa labas ng Metro Manila, ang Magiliw ay ang bayan na may pinakamalaÂking populasyon.
Utang ng mga taga-Magiliw ang katangian na ito kay Mayor Fil Almazan (Wendell Ramos). Hindi kasi naniniwala si Mayor sa family planning. Para sa kanya, ang pagbubuntis ay sagrado. Pinangangaralan niya ang mga misis sa bayan na mas marami ang kanilang anak, mas malaki ang biyaya.
Taimtim ang paniniwala ng guwapong alkalde sa kanyang panunturan kaya marahil marami na ring dilag sa Magiliw ang kanyang inanakan. Kalat na kalat ang tsismis sa bayan, ngunit nagbibingi-bingihan na lang ang baog niyang maybahay (Sue Prado). At eto pa: Mayroon silang tatlong ampon na sinasabing mga anak sa labas ni Mayor.
Bawal ang anumang uri ng contraceptive sa MagiÂlÂiw. Rhythm method lang ang kinukunsinti ni Mayor AlÂmazan, kayat malapit siya sa kura paroko ng baÂyan. Nang magpamahagi ng mga condom ang gynecologist na si Dr. Emil Magsino sa health center, pinadampot siya ng mayor at kinalaboso.
Ganyan sa Magiliw: Ang gusto ni Mayor ang umiiral.
Nabulabog ang kanyang buhay nang magbakasyon sa bayan ang corporate lawyer na si CatheÂrine (Giselle Toengi). Inampon ni Catherine ang isang sanggol na iniwan sa gate ng kanilang bahay. Lingid sa kanya, ang tatay ng baby ay walang iba kundi ang butihing mayor.
Nais ni Mayor na kupkupin ang bata ngunit nagmaÂtigas si Catherine. Iba’t ibang klase ng panggigipit ang ginamit ng alkalde upang mapasakanya ang bata. NaÂriyan ang ipasara ang maliit na negosyo ng mga maÂÂgulang ni Catherine. Pagkatapos ay kinasuhan sila ng tax evasion. Napakiusapan din ng mayor ang kura paroko na huwag binyagan ang bata.
Napilitan lang si Catherine na isuko ang bata nang iprinisinta ng mayor ang tunay na nanay nito.
Tahimik na sana muli ang buhay ng alkalde kung hindi lang nanaig ang pagnanasa niya sa asawa ng high school principal ng Magiliw. Sumambulat ang isang iskandalong nagpayanig sa buong bayan. Dahil sa malaking kahihiyan, nagbitiw si Mayor Almazan at lumipad patungong US.
Nagsanib-puwersa naman si Catherine at Dr. Magsino upang itaguyod ang isang kandidatong babago sa pamamalakad ng bayan.
Tahasang pro-reproductive health ang Bayang Magiliw. Binigwasan nito ang mga ipokritong pulitiko na ginagamit ang relihiyon upang batikusin ang batas na nagtatanggol sa karapatan ng mga babae na magdesisyon hinggil sa kanilang pagbubuntis. May pasaring din sa mga paring bumabasbas sa mga opisyal ng pamahalaan na kontra sa reproductive health.
Isang satire ang Bayang Magiliw. Ang titulo pa lang, na siya ring mga unang kataga ng Lupang Hinirang, nagpapahiwatig na ng kapilyuhan sa panig ng direktor at manunulat.
Ngunit kung minsan ay nagiging seryoso ang pelikula. Ang nagpapaalala lang na satire ito ay ang boses ng nagkukuwento.
Hinahanap ko ang pagkasutil at katatawanan na nagpakinang sa Two Funerals, na sinulat rin ni Enrique, at Ded Na Si Lolo, na kapwa umokray sa mga pamahiin ng mga Filipino hinggil sa patay.
Nahuli ni Wendell Ramos ang angas at pagkahilig sa chicks ni Mayor Almazan.
Kapuri-puri rin si Toengi bilang Catherine, at ’di rin nagpahuli ang iba pang gumanap.
Sa kamay ng isang hindi bihasang director, maaaring magkakawindang-windang ang ganitong klase ng pelikula. Sa gabay ni Gil Portes, tama ang timpla at malaman ang pagsasadula.