ABS-CBN, naninindigang walang basehan ang isinampang kasong libelo ng GMA 7

MANILA, Philippines - Walang basehan ang libel case na isinampa ng GMA 7 sa chairman at reporters ng ABS-CBN.

Ito ang idinidiin ng ABS-CBN kaugnay sa pagbuhay ng Department of Justice (DOJ) sa siyam na taon nang nakabinbing kaso sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).

Naghain ng warrant of arrest kamakailan ang QC RTC sa mga akusado na kinabibilangan nina ABS-CBN Chairman Eugenio Lopez III, Lynda Jumilla, Maria Progena Estonilo Reyes, Annie Eugenio, Dondi Garcia, Jose Ramon Olives, Jesus Maderazo, at dating mga empleyado ng ABS-CBN na sina Erwin Tulfo, Beth Frondoso, Luis Alejandro, Luchi Cruz-Valdes, Jose Magsaysay Jr., at Alfonso Marquez na agad din namang nakapagpiyansa.

Sa isang statement, sinabi ng Head ng Integrated Corporate Communications na si Bong Osorio na “Kusang pumunta sa korte ang mga nasasakdal sa libel case at naghain ng piyansa na naaayon sa batas. Iginigiit nilang walang batayan ang kasong libelo na isinampa laban sa kanila.”

Para sa ABS-CBN, GMA 7 ang dapat kinakastigo sa isyu na ito dahil sila ang nanlapastangan sa karapatan ng ABS-CBN.

“Ang nagsakdal ang gumamit ng footage ng ABS-CBN nang walang pahintulot kaya nagsampa ang ABS-CBN ng kasong copyright infringement. Nakalulungkot na ang mga nasasakdal ay kinakastigo na parang mga kriminal, gayung ang mga karapatan ng ABS-CBN ang nilabag,” sabi ni Osorio.

“Gagamitin ng mga nasasakdal ang lahat ng pamamaraang legal para kwestiyunin ang inilabas na arrest warrant ng Quezon City RTC laban sa kanila. Naniniwala sila na ibabasura ng korte ang naturang kaso,” dagdag ni Osorio.

ABS-CBN ang may broadcast coverage sa pagdating sa bansa ng overseas Filipino worker na kinidnap ng mga tero­rista sa Iraq na si Angelo dela Cruz na ginamit ng GMA nang walang pahintulot. Noong Lunes (Feb 18) sa TV Patrol ay ipi­nakita ng ABS-CBN ang aktwal nilang footage na umere noong 2004 sa ABS-CBN Breaking News at ikinumpara ito sa footage naman na ipinalabas ng GMA sa kanilang Flash Report.

Hindi maikakailang galing sa ABS-CBN ang gi­­na­mit na footage ng GMA lalo pa’t maging ang ABS-CBN reporter na si Dindo Amparo ay lumabas sa screen ng GMA.

Nasagap at inere ng GMA ang footage mula sa foreign news agency na Reuters Television Service sa kabila ng abiso ng Reuters na “No Access Philip­pines” o nangangahu­lugang ang material ay hindi ma­aring gamitin ng subscribers nito sa Pilipinas nang walang pahintulot. Ang “no access” rule ay nasasaad din sa standard na Reuters agreement sa kanilang mga subscriber kaugnay ng bid­yo na nakuha mula sa isa ring subscriber sa isang teritoryo.

Ibinasura ang kasong libelo na isinampa ng GMA laban sa ABS-CBN ni Department of Justice private prosecutor ACP Venturaza noong 2004, na siya namang pinagtibay ng dating Justice Secretary Raul Gonzalez noong 2005.

Ngunit noong 2010, binaligtad ni dating acting Justice Secretary Alberto Agra ang resolusyon ni Gonzalez. Noong 2011 naman, pinagtibay ni Justice Secretary Leila De Lima ang desisyon ni Agra.

Nagsampa na rin ng petisyon ang ABS-CBN sa Court of Appeals para kwestiyunin ang resolusyon ng DOJ na sampahan na ng kasong libelo ang mga akusado.

Show comments