MANILA, Philippines - Nakatutuwa na ang mga may-edad na o tinatawag na senior citizen ay alaga pa rin ang katawan at kalusugan. At ito ang isa sa mga panooring itatampok ngayong Sabado 9:00-10:00 ng umaga sa Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh ng GMA News TV.
Ipapasyal tayo ni Mader Ricky sa Quezon Memorial Circle kung saan ang mga health conscious na mga lolo’t lola at tatay at nanay ay may iba-ibang paraan ng ehersisyo gaya ng jogging, biking, zumba, judo-karate, yoga, belly dancing, atbp.
Meron ding madadaling ehersisyo para sa mga kababaihan na magagawa nila sa opisina o sa sariling bahay. “Kung gusto mong maging malakas at seksi ay dapat may panahon kang mag-ehersisyo kahit nasaan ka. Kadalasang ang pagtaba at pagkalosyang ay sanhi ng kapabayaan sa sarili,†sabi ni Mader RR na dahil tinatakang beauty guru ay tunay na beauty conscious.
May bisitang nutritionist sa programa na magbibigay ng payo tungkol sa mga wastong pagkain na nakakapagpalusog pero ‘di nakakataba.
Ililibot pa tayo ni Mader sa iba-ibang clinic kung saan ginagawa ang pamoso ngayong Stem Cell Treatment na maraming Pinoy ang naaakit dahil di lang ito panlunas sa iba-ibang sakit kundi diumano’y pampabata.
Maraming food supplement na nabibili ngayon. Mabisa nga ba ang mga ito? Dapat ay alamin muna kung ito ay peke o tunay gaya ng kapsula, kape at tsaang tatak MX3 na galing sa prutas na Garcinia Mangostana (o mangosteen) na sikat di lang dito sa atin kungdi maging sa ibang bansa.