MANILA, Philippines - Aayudahan ni Anthony Taberna ang isang retiradong overseas Filipino worker na natangayan ng higit P700,000 matapos mabiktima ng isang manggagantso ngayong Huwebes (Feb 21) sa Pinoy True Stories: Demandahan.
Nagsimula ang problema ng 60 taong gulang na si Nestor nang lapitan siya ni Pamela at alukin ng pinagbibiling cell phone at iba’t ibang gadgets. Nahikayat naman si Nestor dahil kuwento ni Pamela, may kanser daw ang kanyang anak at kailangan ng panggamot. Ngunit anim na buwan na ang nakalipas ay wala ni isa sa biniling gadgets ni Nestor ang dumating sa kanya.
Sasamahan ni Tunying si Nestor kay Atty. Hans Santos upang malaman kung ano ang batas tungkol sa estafa at kung ano ang mga nakapaloob dito. Ano ang maaari niyang gawin upang mapanagot sa batas ang taong nanlamang sa kanya? Mabawi pa kaya niya ang perang pinaghirapan niya?
Samantala, samahan naman sina Maan Macapagal at Dominic Almelor bukas (Feb 22) sa Pinoy True Stories: Saklolo na usisain ang himalang pagkakaligtas ng isang batang lalaki matapos siyang mabundol at makaladkad sa ilalim ng isang jeep.
Tutukan ang Demandahan ngayong Huwebes (Feb 21), 4:45 ng hapon sa ABS-CBN Kapamilya Gold. Subaybayan din ang ibang mga bagong Pinoy True Stories hatid ng ABS-CBN News and Current Affairs, tulad ng Bistado ni Julius Babao tuwing Lunes, Engkwentro ni Karen Davila tuwing Martes, Saklolo nina Maan Macapagal at Dominic Almelor, at Hiwaga ni Atom Araullo tuwing Biyernes.