Dayanara inisnab ang imbitasyon ng ASAP!

Ewan kung makararating ngayong tanghali ang Puerto Rican at isa ring dating Miss Universe na si Dayanara Torres, isa sa apat na origihal na host ng ASAP nang umere ito 18 taon na ang nakararaan. Imbitado siya sa napakalaking selebrasyon na magaganap ngayong Linggo ng tanghali. Umoo na ang tatlo pa niyang nakasama na sina Martin Nievera, Pops Fernandez, at Ariel Rivera pero ni pasabi mula sa kanya ay wala pang tinatanggap ang ABS-CBN.

Pero dumating man o hindi ang magaling na beauty queen/entertainer na maraming pinasa­yang Pinoy nung naririto pa siya at bahagi ng local showbiz, tuloy ang grandeng selebrasyon ng ASAP na dadaluhan ng mga dati nang napapanood sa prog­rama kasama ang mga kasalukuyang host at entertainer ng show.

Coco maraming ipauuso

Baka hindi lamang ang teleserye niyang Juan dela Cruz ang mapapauso ni Coco Martin kundi maging ang OST o original soundtrack ng kanyang teleserye. Ngayon pa lamang bumabalik na sa pagkauso ang ginamit na theme song ng serye, ang Maging Sino Ka Man na kinakanta ni Martin Nievera. Bahagi rin ng soundtrack ang napakakontrobersiyal na Pusong Bato na ewan kung kanino nila nabili, kung sa komposer nito o sa singer na pinagbentahan ng composer ng rights ng kanta.

Ginawan din ng life-sized statue si Coco na naka-display nung presscon ng kanyang serye. Ito at ang mga weapon na gagamitin niya laban sa puwersa ng kadiliman ay inaasahan din ng ABS-CBN Marketing ay kagigiliwan na gawing laruan ng kabataan.

Magsisimula nang mapanood ang Juan dela Cruz bukas Lunes, Peb. 4, sa ABS-CBN.

Dalawang bulag may sariling album na

Ini-release na ng Aquarius Records ang bagong album ng dalawang bulag na recording artists na sina Evelyn-The Blind Songstress at George Guevarra-The Blind Balladeer, mga compilation ng mga hit song noon ng mga bulag na recording artist.

Ang The Greatest Hits of George Guevarra-The Blind Balladeer ay naglalaman ng 22 awitin kabilang nga ang komposisyon ng katotong movie writer na si Charlie Lozo, ang mga awiting Kung Kailan Wala Ka Na, Sigaw ng Puso, at Ikaw Pa Rin.

OPM Classics/Jukebox Hits Songs naman ang title ng album ni Evelyn-The Blind Songstress na naglalaman din ng 22 hits songs nun tulad ng Bulong ng Damdamin, Isang Linggong Pag-ibig, Bakit Pa at Taksil Ka.

Show comments