Mahirap paniwalaan na halos 40 taon na si Jackie Chan sa pelikula. Nagsimula siya nang umuusbong pa lang ang kung fu movies, at kasalukuyang pasikat si Bruce Lee.
Nang mamatay ang batikang action star ay nagÂkandarapa ang mga studio sa Hong Kong sa paghanap nang ipapalit sa kanya. Nagsulputan ang mga gustong umangkin ng kanyang korona, gaya nina Bruce Li at Bruce Le.
Sa una pa man ay hindi tinangka ni Jackie Chan na maging Bruce Lee. Magkaiba ang istilo ng daÂlawa. Jeet Kune Do ang fighting style ni Bruce, at classical kung fu ang kay Jackie. Seryoso ang mga karakter ni Bruce Lee, at hindi nangingiming pumatay o mamatay. Medyo engot naman ang kay Jackie, at karaniwa’y kenkoy ang kanyang fight scenes. Sa Drunken Master, ang bidang si Jackie ay isang lasenggong nagpupumilit na matuto ng martial art.
Dahil nasa dugo niya ang pagiging stuntman, hindi gumagamit ng double si Jackie Chan sa mga eksenang maaksiyon, kahit na ito ay lubhang mapanganib. Kaya naman ilang beses na siyang nasugatan, nabalian ng buto at muntik nang mabasag ang kanyang bungo.
Matapos gumawa ng mahigit sa 150 pelikula, nagpasiya na si Jackie Chan na magretiro mula sa action films.
Ang huli niyang obra ay ang Chinese Zodiac, na magsisimulang ipalalabas ngayon sa mga sinehan sa Metro Manila at probinsiya. Hindi lang bida si Jackie; siya rin ang nagdirek, sumulat at nagprodyus ng pelikula.
Ang Chinese Zodiac ang unang foreign movie na itinaguyod ng Star Cinema para sa local distribution.
Tipikal na Jackie Chan film ang Chinese Zodiac. Walang humpay ang aksyon mula simula hanggang katapusan. Kapansin-pansin din na hindi pinagdamutan ang pelikula. Nakakalula ang stunts at special effects.
Si JC (Jackie) at ang kanyang grupo ay naatasan ng isang malaking korporasyon, MP Corp, na hanapin ang 12 tansong ulo ng mga hayop na tampok sa Chinese Zodiac na ninakaw mula sa palasyo sa Beijing noong 1800s. Balak ng MP Corp na isuÂbasta ang mga ito.
Sinimulan ni JC ang misyon sa Paris, kung saan niya nakilala si Coco (Yao Xing Tong), isang aktiÂbista na eksperto sa Chinese treasures.
Pinasok ni JC ang isang mansion kung saan niya natagpuan ang dalawa sa mga ulo.
Narekober nina JC at Coco ang pangatlong ulo mula sa palasyo na pag-aari ni Katherine (Laura Weissbecker). Natuklasan din nila na ang ninuno ni Katherine ang kapitan ng barko kung saan isinakay ang mga ulo at iba pang mahahalagang bagay na ninakaw sa Beijing.
Napagkayarian nina JC, Coco, at Katherine na magtulungan sa paghanap ng naturang barko.
Natagpuan nila ito sa isang liblib na isla, kasama ang kayamanang kargamento. Ngunit hindi lang pala sina JC ang nasa isla. TinambaÂngan sila ng isang pangkat na ang pakay din ay ang mga ulo. Nakigulo rin ang mga pirata na gumagala sa karagatan sa paligid ng isla.
Naghalo ang balat sa tinalupan ngunit nakuha pa rin ng tropa nina JC, Coco, at Katherine na makatakas mula sa isla dala hindi lang ang mga ulo kundi isang katutak na ginto.
Naging masalimuot ang kuwento nang madiskubre ni Coco ang totoong pakay ni JC na iintrega ang mga ulo sa MP Corp. Tiwala kasi siya na tutulungan siya ni JC na isauli ang mga ulo sa pamahalaan ng China.
Mas lalong nagkabuhul-buhol ang sitwasyon nang mahuli ng mga galamay ng MP Corp si Coco at ang kanyang kapatid habang tinatangkang bawiin ang mga ulo. Napilitan si JC na sagipin si Coco.
Magtagumpay kaya siya? At ano ang mangyayari sa mga tansong ulo?
Hindi madaling lusutan ang mga problemang nakahambalang sa harap ni JC, ngunit isang bagay ang tiyak: Hindi niya uurungan ang mga ito.
Nais ni Jackie Chan na grande ang kanyang huling pelikula. Sa Chinese Zodiac, nasunod ang kanyang hiling.