Matapos talak-talakan kumpirmado, Maricel tsinugi na sa serye ni Gerald!

MANILA, Philippines - Wala pang napipiling kapalit ni Maricel Soriano ang ABS-CBN sa Bukas Na Lang Kita Mamahalin, ang seryeng pinagbibidahan sana nila  ni Gerald Anderson and Cristine Reyes matapos talak-talakan ni Marya ang bidang actor sa first taping day nila.

Pero tuloy pa rin ang nasabing serye na eere sa Marso. Naglabas na rin kahapon ng statement ang ABS-CBN tungkol sa nangyari.

Narito ang buong statement :

“Due to the unfortunate incident between Gerald Anderson and Maricel Soriano that transpired on the first taping day of  Bukas Na Lang Kita Mamahalin, ABS-CBN management and the management of Maricel Soriano have agreed that Maricel will no longer be part of the cast.  The teleserye starring Gerald Anderson will proceed as scheduled.” --- Bong R. Osorio, Head of Corporate Communications, ABS-CBN”

Sa PSN unang lumabas ang nasabing nangyari kina Maricel at Gerald.

‘Seryoso ako, hindi ako magpapa-cute’ - Aga

Wala nang sagabal sa kandidatura ni Aga Muhlach sa 4th district ng Camarines Sur. 

Nauna nang lumabas ang decision ng Court of Appeals kung saan binigyan siya ng 60 days temporary restraining order  sa petition na tanggalin ang pangalan niya sa voters list dahil hindi pa raw siya natatagalang nakatira doon.

Bukod sa decision ng CA, kina­tigan din ang actor ng Commission on Elections, Second Divisions tungkol sa isyu ng kanyang citizenship.

Pinatotohanan ng COMELEC na natural-born Filipino citizen ang mister ni Charlene Gonzales kaya may karapatan siyang i-enjoy ang kanyang civil and political rights at kasama na nga rito ang pagkandidato.

Kaya dalawang pagsu­bok na ang nalusutan niya na ikinagagalak ng actor na matagal bago nagdesisyong kumandidato na rin.

Unang inatasan ng CA ang Election Registration Board (ERB) na ibalik ang pangalan ng mag-asawa sa listahan ng mga botante.

Isa namang nagngangalang Gilmar Pacamara na sinasabing botante ng San Jose, Camarines Sur, ang nag-file ng apela sa COMELEC. Pero dismissed nga.

Sa nasabing petition sinabi ni Pacamara na Spanish citizen si Aga who abandoned his Philippine citizenship nang kumuha ang actor ng Spanish passport.

Sa pamamagitan ng kanyang mga abogado na sina Romulo Macalin­tal at Antonio Carlos Bautista, “Muhlach never abandoned his Philippine citizenship and his recognition as a Spanish citizen was a unilateral act of the Spanish government pursuant to its own laws recognizing as citizens anyone with Spanish origin.  Since the father of Muhlach was a recognized citizen of Spain by birth, then by operation of Spanish law Muhlach is also recognized by Spain as a Spanish citizen.”

Dagdag pa ng mga abogado : “But Muhlach never took any oath of allegiance with the Spanish government nor did he ever apply for naturalization as a Spanish citizen.  His father was already a naturalized Filipino when the latter married Aga’s mother who was also a natural-born Filipino citizen. Aga was born in the Philippines and has continuously resided in the Philippines since then and up to the present, thus his being a natural-born Filipino citizen,” paliwanag ng mga abogado bilang paglilinaw sa isyu.

Kaya naman labis ang pasasalamat ni Aga at nawalis na ang mga sagabal sa mga daanan niya papunta sa kongreso.

“Nagpapasalamat ako sa Diyos, sa mga magistrado ng Court of Appeals at sa commissioners ng COMELEC na narinig ang panig ko,” sabi niya na ikinagulantang niya nang malaman niya noon na may nagre­reklamo sa kanyang pagiging Pinoy at pinatanggal ang pangalan niya sa listahan ng mga botante sa San Jose, Camarines Sur.

Pinababayaan niya sa mga abogado niya ang mga naging problema. “Hindi ko na iniisip ‘yun, hayaan na natin sila.  Mahaba pa ang battle ko. But I’m here, because I’m serious. Andito ako hindi para magpa-cute. Seryoso ako at lalaban hanggang sa dulo,” sabi ng actor na hanggang ngayon ay in demand pa ring leading man.

Hindi rin siya pinaghihinaan ng loob sa mga nangyari at mangyayari pa.

So bakit nagbago ang isip niya? Noon kasi parang iwas siyang mag-pulitika?

“Maganda kasi ang lugar, kailangan lang ng tulong para maayos. Parang ito na lang ang charity work ko at giving back sa lahat ng blessings,” sabi niya.

 

 

 

 

Show comments