Juday inabsuwelto ng BIR, pero pinagbabayad ng P3.4 M

Walang tigil sa pagluha si Judy Ann Santos habang inaabsuwelto siya sa kasong Tax evasion na isinampa sa kanya ng BIR.  Pero hindi naman siya nakaligtas sa pagbabayad ng halagang P3.4 M bilang kabayaran sa mga taon na hindi niya nakumpleto ang income tax na binayaran niya. Kasama na rito ang mga interest na nag-accumulate at mga surcharges. Sa kabila ng malaking ha­la­ga na kailangan pa niyang bayaran, masaya na ang aktres na natapos na ang problema niya sa BIR dahil wala naman talaga siyang intensiyong dayain ang tax na kailangan niyang bayaran. Kumuha pa siya ng mga taong may kaalaman dito para siyang mag-asikaso nito pero nagkaroon pa rin ng problema.

“Salamat sa Diyos at natapos na rin ito,” pahayag ng aktres bago siya lumabas ng korte kasama ang kanyang asawang si Ryan Agoncillo.

Angeline ayaw manligaw kay Sam, nadala na sa ginawa kay Coco

Isa sa maipupuri mo kay Angeline Quinto ay ang kanyang pagiging prangka at walang preno sa pagsasalita. Kahit minsan ay nalalagay siya sa alanganin, wala siyang kiber. Tulad na lamang nang may magtanong sa kanya kung bakit walang pagkakataong mauwi ang friendship nila ni Sam Milby, isa sa dalawang leading men niya sa bago at kauna-unahan niyang  seryeng Kahit Konting Pagtingin (ang isa pa ay si Paulo Avelino), sinabi niyang dahil may ibang gusto si Sam at she hinted na si Shaina Magdayao na balitang flavor of the month ni Sam.

Hindi ba raw niya ipaglalaban ang kanyang karapatan na magustuhan din ng aktor since friends na sila at isa na itong magandang simula ng isang mas magandang relasyon?

“Ayoko na. Ako na ang nanligaw kay Coco Martin noon. Ako pa rin ba ng manliligaw kay Sam ngayon? Nasaan naman ang pagiging babaeng Pilipina ko,” sabi niya na wala namang bitterness na mababakas sa kanyang tinig pero, andun ang determinasyon na ayaw na niyang ulitin ‘yun at talagang magpapa­kababae na at maghihintay na siya na  ligawan ng lalaki.

Sa kabila ng hindi nila pagkakaroon ng romansa ni Sam, may kilig na nakikita ang mga tao sa kanila. Sabi nga ni Paulo, baka kapag nagtagal na sila ng pagsasama, maging sila ni Angeline ay magbibigay din ng kilig. 

Kung nung una ay natakot ang director na si Darnel Villaflor na maging bida niya sa serye ang magaling na singer, agad napawi ito nang magsimula silang magtrabahong magkasama.

“Napanood ko siya sa Born To Love You. Natawa ako sa kanya. Napaka-natural niya. Andun ang pagiging totoo niya. Alam niya na marami pa siyang dapat matutunan pero, willing siyang mag-aaral. ‘Yun ang pinakamagandang nakita ko sa kanya na magsisilbing susi para siya sumikat,” sabi niya.

Abra tatapatan si Gloc 9

Walang problema kay Gloc 9 kung may ibang rapper na unti-unting nagkakapangalan at posibleng umagaw ng malaking bahagi ng kanyang kita. Naniniwala siyang the more rapper na dumating, the better for the kind of music that they promote. Tulad ni Abra na malaki ang tulong na nakukuha kay Vice Ganda matapos siyang mag-guest sa show nito at nag-klik sila. Kasabay nang paglaki ng kanyang pangalan simula nang lumabas ang awitin niyang Gayuma, nakomisyon din si Abra na  gumawa ng kanta para sa bagong serye ni Coco Martin na Juan dela Cruz. Ito ang Alab ng Puso, tungkol sa pagiging isang superhero kahit walang kapangyarihang taglay kundi ang isang mabuting kalooban lamang.

Hindi solo ni Abra ang pagbibigay ng lalim sa mga rap songs niya at ito ay bunga ng pagnanais na makagawa ng hindi lamang magagandang musika kundi makapagbigay din ng aral sa pamamagitan ng mga kanta niya.

 

Show comments