Edu isasama sa programa ng mga babae

Bago ko pa maisaboses ang panghihinayang  sa parang pagpapabaya ng TV5 sa magaling na host na si Edu Man-zano na napapanood lamang sa iisang game show sa Kapatid Network, heto na at inianunsyo na sa napakabonggang trade launch ng network na ginanap nung Martes ng gabi sa Resort World Manila na makakasama na ito simula Jan. 21 sa prog­ramang Good Morning Club. Magbibigay si Edu ng kanyang mga pananaw at kuru-kuro tungkol sa isyu ng pag-aasawa na inaasahang mas makapagbibigay linaw sa mga problema na kinakaharap ng maraming mag-asawa sa loob at maging labas ng kabilang tahanan.

Ang mga views niya na bilang lalaki ay tugma ba o hindi sa mga opinyon ng tatlong babaeng kasama niya sa show bilang hosts, sina Christine Bersola-Babao, Chiqui Roa-Puno, at Amy Perez. Panoorin natin kung paano magagawang light ng magaling na host maging ang mga pinakaseryosong problema na kinakaharap ng mga ordinaryong manonood ngayon.

Samantala, kung inaakala n’yo na makokopo ng Wowowillie ang pagbibigay ng maraming pera sa mga sasali sa kanilang mga pakontes simula Jan. 26 ng tanghali, aba eh nagkakamali kayo dahil ang first ever game show-on-wheels ay nangangakong hindi lamang pera kung hindi higit na kasiyahan ang idudulot ng show at ng  tandem nina Mr. Fu at Valeen Montenegro sa isa pang game show ng Kapatid Network, ang Jeepney Jackpot, mapapanood Lunes hanggang Biyernes, 5:00 ng hapon. Makakasama ng dalawa ang seksing si Saida Diola, dating myembro ng EB Babes at napanood sa Eat Bulaga at ang driver na si Andres. Makapag-uuwi ang mga masuwerteng kalahok na isasakay ng jeepney na Jip Jip ng hanggang P50,000 kapag nasagot nila ang mga trick questions na itatanong sa kanila habang bumibiyahe sila.

Isa sa teleserye ng TV5 na talagang binibigyan ng focus ngayon ay ang Kidlat ni Derek Ramsay. Tungkol ito sa isang lalaki  na may taglay na power at ginagamit niya ito sa pagpuksa ng kasamaan sa mundo. 

At magsisilbing banner show marahil ng istasyon ang teleserye ng superstar na si Nora Aunor, ang Never Say Goodbye na kukunan ng buo sa Baguio City. Isa itong romantic drama na tatampukan din nina Alice Dixson, Cesar Montano, at Gardo Versoza at nina Edgar Allan Guzman at ang Artista Academy winners na sina Sophie Albert at Vin Abrenica.

Si Mac Alejandre ang direktor ng Never Say Goodbye na ipalalabas na simula Jan. 25, pagkatapos ng Kidlat.

Kung may maituturing na tagalabas sa bunton ng mga host ng Kapatid Network, ito si Joey de Leon na maituturing ding Kapuso, dahil isa siya sa tatlong host ng Eat Bulaga, ang pambatong palabas ng GMA7 sa tanghali na nakaka-head on collision ng Wowowillie.

Pang-Sabado ang programang hahawakan ni Joey na pinamagatang Hayop sa Galing. Tuwing show, anim na animal video ang mapapanood. Hahamunin ni Joey ang mga bisita niyang celebrity na gumawa ng challenge na may kinalaman sa itatampok niyang hayop. Alas 8:00 ng gabi mapapanood ang HSG.

Bukod sa mga nabanggit na palabas, pabobonggahin pa rin at gagawing high tech ang mga programang Game N Go, Rescue, Balwarte, Alabang Housewives, at lahat ng programa ng Singko pati na ‘yung mga sports, news, public Affair, atbp.

Tina Paner dumating ng bansa, nilayasan sa Spain ang isyu ng plane ticket scam

Nasa bansa pala si Tina Paner at pinaghahandaan ang gagawin niyang paglilinis ng kanyang pangalan na sangkot sa plane ticket scam. Karay-karay ni Daisy Romualdez sa trade launch ng TV5 ang kanyang apo kay Tina, isang pagkaganda-gandang bata na kung si Daisy ang masusunod ay papag-aartistahin niya, pero ayaw mag-showbiz ng bagets. Mas gusto nitong mag-aral kaya kahit medyo late na ay naipasok pa rin ito ng Mamita Daisy niya sa isang napaka-private na school.

Sa ngayon, inaasikaso ni Daisy ang tila napapabayaan ng Singko na career ni Danita Paner. Matagal na raw natapos ang serye nito sa TV5 pero hanggang ngayon ay wala pa rin itong kasunod na show. Si Annabelle Rama ang manager ni Danita, pero dahil abala ito sa kampanya kung kaya tumutulong  na si Daisy para maisulong ang career ni Danita.

Show comments