Robin kinausap nang masinsinan si Anne bago hinawakan at tiningnan ng malagkit!

Wala naman palang rason mag-worry si Robin Padilla na magmukha siyang uncle ni Anne Curtis sa Kailangan Ko’y Ikaw dahil hindi halata ang age gap nila sa mga eksena nilang magkasama. Nabanggit kasi ng actor na worried siya na baka sa halip na kiligin, makantiyawan pa siya, biruing tiyuhin ng aktres.

Sa special screening ng ABS-CBN soap na pinagbibidahan nilang dalawa at ni Kris Aquino, kinikilig ang fans at nagkatuksuhan pa habang pinapanood ang pilot episode na nakasentro kina Robin at Anne.

Nabanggit ni Robin na pinaghandaan niya ang pagtatambal nila ni Anne at sinabayan niya ang magandang katawan nito. Kinausap din niya ang dalaga for two hours habang nasa The Fort sa Taguig City at nagpaalam siya na hahawakan niya ito at titingnan ng malagkit para maging kapani-paniwala na nagkakagustuhan sila.

“Palakad-lakad lang kami at maganda ang nangyaring usapan dahil kung dati, kilala ko siyang bata, nang magkausap kami nakilala ko siya bilang babae,” sabi ni Robin.

Pinuri rin ni Anne si Robin na first time niyang nakatrabaho.

Sabi nito: “Fresh na experience working with him dahil bago nga. Kung la­ging nakakatambal ang nakasama ko, sanay na ang tao, walang freshness. First time ko to work with him, so, naging totoo. Thank God lumabas ’yun sa screen.”

Pilot week ang ipinalabas sa special screening, ang bilis ng pacing, ang dami agad nangyari at nalaman ang ilang pinanggagalingan ng conflict pero marami pang twist sa story ng Kailangan Ko’y Ikaw na airing na sa Jan. 21.

Gloria Romero reynang-reyna pa rin sa Kapuso

Malalayo ang location ng taping ni Gloria Romero ng Forever pero wala siyang reklamo dahil nagagandahan siya sa story ng Afternoon Prime ng GMA 7 at excited siya dahil ngayon lang siya gagawa ng ganito.

Bukod doon, hatid-sundo siya ng service van ng network na nagdadala sa kanya sa Batangas, Laguna, Bulacan, at sa iba pa niyang location. May cut-off din sa taping ang veteran actress kaya hindi masyadong napapagod.

Sina Ms. Gloria, Geoff Eigenmann, at Heart Eva­ngelista ang three major cast members ng drama series na airing na rin sa Jan. 21, after Eat Bulaga sa direction ni Ricky Davao.

Hindi makapaniwala si Ms. Gloria na at her age, magbibida pa siya at kasing laki ang name at pictures niya ng picture at billing nina Heart at Geoff. Ang veteran actress ang gaganap sa role ng matandang Adora at si Heart ang batang Adora pero hindi magkikita ang kanilang karakter.

Derrick pasok sa bagong sitcom ni Bossing Vic na papalit sa Extra Challenge

Nabalitaan naming kasama sa cast ng sitcom ni Vic Sotto sa GMA 7 sina Derrick Monasterio at Bea Binene. Naku, wala kayang manumbalik na feelings sa dalawa na alam naming nagkaligawan at naudlot lang dahil sa love team nina Bea at Jake Vargas?

Ang alam namin, six months nanligaw si Derrick kay Bea pero kailangan niyang tumigil dahil may ka-love team ang young actress.  Ang bagong sitcom daw ni Vic sa GMA 7 ang kapalit ng Extra Challenge.

Mommy Eva nakaligtas sa pang-uurirat kay BB

Kasama ni Robn Padilla sa special screening ng Kailangan Ko’y Ikaw ang mga anak na sina Kylie at Ali Padilla. Nanood din ang ina ng aktor na si Mrs. Eva Cariῆo pero hindi na dumiretso sa presscon.

Kung nagkataong nasa presscon si Mommy Eva, matatanong tiyak sa plano raw na pagpapa-sex change ni BB Gandanghari. Sabagay, matatanong pa rin naman si BB dahil may presscon ito ngayong araw para sa gagawing stage play na Halik ng Tarantula.

Lovi hindi pa sigurado sa Singko

Gusto pala naming linawin ang nasulat naming bagong soap ng TV5 na Minsan May Isang Ina na produced ng Regal TV at GROWL Entertainment. Ang sinulat namin ay tuloy na ang soap pero hindi namin tiniyak na si Lovi Poe na ang bida.

Sabi lang namin, para kay Lovi ang project pero dahil may kontrata pa siya sa GMA 7, baka hindi na siya mahintay at kumuha na lang ng ibang artista ang Singko.

Show comments