No comment na sa gusto ng lola: Julia bawal nang mag-love life

Kamakailan ay nabanggit ng Lola Flory ni Julia Montes sa isang pahayag na dapat ay intindihin na muna ng kanyang apo ang trabaho at saka na lamang pagtuunan ng panahon ang love life. Agad namang nagbigay ng reaksiyon si Julia tungkol sa sinabi ng kanyang lola.

“Ayun, no comment. Desisyon ni lola ’yun kaya dapat sundin. Kung anuman ang desisyon ko, sinusuportahan niya ako. Mas pinili ko na lang muna talaga ngayon ang work, career,” bungad ni Julia.

Samantala, ngayong buwan ay ipalalabas na rin ang pelikulang ginawa nila ni Coco Martin na A Moment in Time.

“Malapit na, siguro in a way pasasalamat namin ito for Walang Hanggan, sa lahat ng sumuporta siguro hindi nila ine-expect, ’yung hindi nakuha sa Walang Hanggan. Hopefully, dito ma-fulfill so, sana mapanood nila kasi ibang tema, ibang kuwento, ibang atake sa mga character namin,” paglalarawan pa ng dalaga.

Makisig nag-iisang choice sa play ni Saint Pedro Calungsod

Sa Jan. 8 at 9 ay muling mapapanood si Makisig Morales sa musical play na Teen Saint Pedro sa Meralco Theater sa Ortigas, Pasig City. Ito na ang pangalawang run ng nasabing stage play. Gagampanan ni Makisig ang buhay ng pangalawang Filipino na naging santo kamakailan na si Pedro Calungsod. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magbibida si Makisig sa isang play.

Ilang stage plays na rin ang nagawa ng singer noon pero ito raw ang hinding-hindi niya makakalimutan.

“Sobrang inspiring nitong story na ito kasi makikita n’yo ’yung buhay ni Pedro Calungsod. Makikita n’yo kung gaano siya ka-loyal at kung gaano siya ka sobrang bait sa lahat ng taong makakahalubilo niya. Para ito sa buong family,” nakangiting pahayag ni Makisig.

Masayang-masaya ang young actor dahil hindi na siya nag-audition para gampanan ang buhay ng Pinoy na santo.

“Kasi kasama family ko sa community ng Couples For Christ. Simula bata pa ako Kids For Christ na ako hanggang ngayon na Youth For Christ na ako. Tinawagan ng CFC (Couples for Christ) si Daddy ’tapos siyempre nang tinanong kung okay lang ba na ako ang mag-portray ng role ni Pedro, hindi na kami nag-dalawang isip. Siyempre si Pedro­ Calungsod ’yan kaya tinanggap ko kaagad,” kuwento ni Makisig.

Naibahagi rin ng binata na hindi halos nagkakalayo ang pag-arte sa teatro at pag-arte sa harap ng kamera katulad ng kadalasan niyang ginagawa.

“Parehas lang din naman ’yung pag-arte kasi umaarte ka pa rin pero sa stage kasi walang mga take two. So, kung medyo magkamali man, hindi naman alam ng mga tao ’yun eh so go lang,” pagtatapos ni Makisig. Reports from JAMES C. CANTOS

                       

 

Show comments