MANILA, Philippines - Ang isang magandang kanta, nananalamin sa katotohanan. At nang isulat ni Renee dela Rosa ang Pusong Bato, marami ang naka-relate sa kantang ito. Pero ano nga ba ang kuwento sa likod ng awit na tinangkilik ng napakaraming Pilipino?
Simpleng tao lang si Renee, kasama ng kaniyang pananampalataya sa Itim na Nazareno, nangarap at nagsumikap si Renee para makilala bilang isang singer-songwriter.
Nang makilala niya ang asawang si Alona, inakala niya na nakamit na niya ang kanyang “happily ever after” —pero ito pa lang pala ang simula ng kanyang istorya.
Dahil sa kanyang kagustuhan na mapabuti ang buhay para sa mga naging anak nila ni Alona, naging tutok si Renee sa trabaho at sa kanilang karera njg asawa. Isang bagay na hindi matanggap ng babae. Pakiramdam ni Alona ay hindi na siya kasama sa priorities ng asawa.
Sa panahong ito papasok si Boy, kumpare ni Renee, sa kanilang buhay—at sa kanilang binubuong banda. Agad magkakagusto si Boy sa magandang si Alona, na siyang ikatutuwa ng babae. At dahil sa focus ni Renee sa kanilang kabuhayan, hindi niya mapapansin na magkakaroon na ng relasyon ang dalawang taong pinaka-pinagkakatiwalaan niya.
Huli na ang lahat nang malaman ni Renee na may ugnayan na ang asawa niya at ang kumpareng si Boy. Iiwan siya ng asawa, at magagawang kunin ni Alona ang lahat ng mahalaga sa buhay ni Renee — ang pag-ibig, ang kanyang musika, at ang kanilang mga anak.
Paano inahon muli ni Renee ang kanyang sarili mula sa lowest point ng kanyang buhay?
Para sa isang deboto ng Itim na Nazareno, nagawa ba ni Renee na ipagpatuloy ang kaniyang paniniwala, gayong sunud-sunod ring dumating ang mga dagok sa kanya ng buhay?
Itinatampok sina Ryan Eigenmann bilang young Renee at Michael de Mesa bilang old Renee. Kasama rin sa cast sina Angelika dela Cruz, Michelle Madrigal, Anna Marin, Gian Magdangal, Leo Martinez, Mike Nacua aka Pekto, Marc Justine Alvarez, Carl Acosta, at Alicia Alonzo.
Mula sa direksiyon ni Ricky Davao, sundan ang kuwento ni Renee dela Rosa ngayong Sabado sa Magpakailanman pagkatapos ng Kap’s Amazing Stories sa GMA 7.