Masayang-masaya si Angeline Quinto dahil nagkasundo na ang kanyang nakalakihang ina na si Mama Bob at ang tunay na inang si Nanay Susan kamakailan. Ito na raw marahil ang pinakamagandang natanggap na regalo ng singer nitong nagdaang taon. “One time habang nasa ASAP ako, nag-lunch silang dalawa. Kaya sobrang masaya ako kasi hindi ko inasahan. Akala ko nga po medyo hindi okay kapag nagkita sila, pero sa awa ng Diyos, akala mo nga close sila kung magkuwentuhan,” nakangiting kuwento ni Angeline.
Ayon pa sa singer ay mas naging madali para sa kanyang dalawang ina ang magkasundo dahil sa pagmamahal nilang pareho sa dalaga. “Siguro po kasi sa tagal ng panahon at alam naman nila na nasa mabuting kalagayan ako ngayon kaya wala namang samaan ng loob. Naging okay na lahat sa kanila. Ang importante maayos na. Ang alam naman ng Mama Bob ko ang gusto ko lang ay makilala si Nanay Susan talaga,” dagdag pa ni Angeline.
Hanggang ngayon ay hindi pa raw nagkakausap ang kanyang ama at si Nanay Susan pero umaasa si Angeline na magkakaharap at magkakaayos din ang dalawa sa takdang panahon. “Para sa akin, magiging complete ‘yun kung naging okay na ang nanay at tatay ko. Kapag nagkita sila mas matutuwa ang puso ko. Pero feeling ko po hindi pa talaga oras na magkita sila ngayon,” pagtatapos ng dalaga.
Ella matindi ang paghanga kay Coco
Pagkatapos ng Shake, Rattle and Roll XIV ay muling gagawa ng pelikula si Ella Cruz. Ngayon ay kasama naman si Ella sa pelikulang A Moment In Time na pinagbibidahan nina Coco Martin at Julia Montes.
Natutuwa raw si Ella dahil nabigyan siya ng pagkakataong makatrabaho si Coco na kanya ring iniidolo. “Nagsisimula pa lang noon ang Aryana (teleserye ni Ella), gusto ko na siyang makatrabaho. Sobrang galing ni Kuya Co umakting, pati ako nadadala. Ultimo rehearsal pa lang, blocking pa lang, nararamdaman ko na ‘yung emosyon niya. kaya parang napapadali ‘yung trabaho namin. Ang dami ko ring natututunan sa kanya lalo na sa mabibigat na eksena naming dalawa,” paglalahad ni Ella.
Bukod sa paghanga ng dalaga sa aktor sa pag-arte ay masasabi rin kaya ni Ella na crush niya si Coco? “Hindi naman po, pero guwapo naman si Kuya Co. Niloloko nga ako ni Kuya Co na, ‘Konting tangkad mo na lang, baka puwede na kitang maging leading lady, gumaganun siya,” natatawang kuwento pa ni Ella. Reports from JAMES C. CANTOS