Tatlong hari ng showbiz pararangalan

MANILA, Philippines - Ang Pista ng Tatlong Hari (Gaspar, Melchor, at Baltazar) ay idinaraos tuwing unang Linggo ng Enero. Abangan ngayong Sabado, alas-nuwebe ng umaga, sa Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh (GRRTNT) ang pagbibigay ng isang natatanging parangal sa tatlong yumaong hari sa magkakaibang larangan.

Tampok sa programa ang masasayang araw ng Hari ng Aksyon (Fernando Poe, Jr.), Hari ng Komedya  (Dolphy Quizon), at Hari ng Rap (Francis Magalona).

May film clips at testimonial ng mga ta­ong nagkaroon ng pagkakataong makilala sila, makatrabaho at maging kaibigan. Mapapanood din ang kanilang legacy o pamanang iniwan sa kanilang mga mahal sa buhay, kasamahan sa trabaho at tagahanga.

Magbibigay sa show ng lista­han ng mga taong posibleng mag­mana ng kanilang, korona, se­tro, at trono.  Aprub ba ito sa inyo o naniniwala kayo na walang si­nu­mang maaaring umagaw ng kani-kanilang taguri o titulo?

“Lahat tayo’y may karapatang magbigay ng kuru-kuro tungkol dito. Kaya lang, may mga na­ni­niwala na lahat ng hari ay may ta­gapagmana at lahat ng po­sis­yong nabakante ay dapat punuan. Walang maaaring makapantay o makapalit kina FPJ, Pidol, at Kiko. Pero may kasabihan ding the show must go on.  At ‘yon na nga, ang mga prinsipe ay dapat maging hari,” sabi ni Mader Ricky.

Produksiyon ng ScriptoVision ang GRR TNT na napapanood tuwing Sabado sa GMA News TV.

Mula kay Mader at mga nasa likod ng GRR TNT… happy New Year at happy Three Kings!

                             

Show comments