Maganda raw ang naidulot sa pamilya ni Janine Tugonon sa kanyang pagsali at pagkapanalo bilang first runner-up sa Miss Universe 2012. Magkahiwalay na ang mga magulang ng beauty queen pero nagkasama raw ang mga ito para suportahan ang laban ng anak sa Las Vegas, Nevada.
“Siyempre my parents are separated pero noong pageant nandun sina mommy, nandun si papa, pumunta rin. Nag-uusap naman po sila talaga pero getting back together, I don’t think so. ’Tapos ’yung mga tita ko na ang tagal-tagal ko nang hindi nakikita, ’yung mga pamangkin ko na hindi ko pa nakikita ever, sobrang nakakatuwa,” nakangiting pahayag ni Janine.
Hinding-hindi makakalimutan ni Janine ang suportang ipinakita sa kanya ng mga kababayang nasa iba’t ibang sulok ng mundo.
“Actually, ’yung Miss Universe contestants nagtataka sila kung bakit ang dami ko raw supporters eh kasi alam nila malayo ’yung Philippines eh. Sobrang thank you kasi malaking tulong talaga, feeling ko isa ’yun sa mga nagpapasok sa akin kasi nakita ng Miss Universe organization,” kuwento ng dalaga.
Maraming beauty queens na rin ang pumasok sa showbusiness kaya naman sumasagi na rin ito sa isipan ng dalaga ngayon.
“Hindi ko naman po siya dream before pero ayoko rin naman magsabi ng no kasi baka mamaya kapag nandiyan na biglang yes naman pala. So, I think iwe-weigh ko muna ’yung sitwasyon kung gusto ko ba itong offer,” paliwanag ni Janine.
Samantala, natuwa ang kasintahan ng dalaga na si Jaypee Santos sa hindi pagkakuha ni Janine sa Miss Universe title. Ayaw daw talagang manalo ng binata noong una si Janine na nasabing beauty pageant.
“Noong una alam kong ayaw niya talaga ako na manalo pero noong before the pageant nag-text siya na I’m willing to wait kahit na one year. Twelve months lang, pero nag-assume na rin siya na ako ’yung mananalo eh so, okay naman siya ngayon kasi nanalo na ako,” kuwento ng dalaga.
Nasasaktan din si Janine sa tuwing may mga masasamang salita na ipinupukol ng mga tao tungkol sa kanyang nobyo.
“Sa akin masakit kasi kilala ko siya eh and these people hindi naman nila kilala si Jaypee. Siya kasi, Jaypee is so relaxed, ganun ’yung personality niya. Bakit hindi ka naaapektuhan eh dapat naaapektuhan ka?” paglalarawan ni Janine.
Napag-uusapan na rin nina Janine at Jaypee ang plano nilang pagpapakasal.
“We were talking about it pero matagal-tagal pa. Ang dami pang kailangang asikasuhin eh. Pero alam ko talaga na bigay siya ni Lord eh. He’s the best, sobrang bait,” giit pa niya. Reports from JAMES C. CANTOS