Bata, kakaperanggot ang kinikita sa sea cucumber na sinisisid

MANILA, Philippines - Sa huling araw ng taong 2012, hatid ng I-Witness ang Asia Pacific Broadcasting Union (ABU) Prize Awards winner na Alkansya, isang dokumentaryo ni Kara David.

Sa pagtulak ni David sa Barangay ng Sulangan sa Eastern Samar, makikilala niya ang 12 anyos na si Anthony. Kasalukuyang nasa ika-anim na baitang, hindi ordinaryong bata si Anthony dahil sa kaniyang murang edad, na-master na niya ang kahulugan ng pagkayod.

Buong linggo siyang nagtatrabaho nang walang pahinga. Ang kaniyang bawat umaga ay nagsisimula sa pangingisda sa pamamagitan ng pangangawil. Pagdating naman ng hapon nariyang mangongolekta siya ng sea shells o ‘di kaya ay magka-car wash sa kalapit-bayan. Ngunit ang pinakamahirap na trabaho ay ginagawa niya sa gabi kung kailan sumisisid si Anthony sa dagat at sinusuyod ito para makakuha ng isang lamang-dagat na ginagamit sa mga Chinese recipe at traditional medicine—ang sea cucumber.

Kapalit ng kaniyang paghihirap, kakarampot ang kinikita ni Anthony—iilang barya na iniipon niya sa kaniyang alkansya. Balak niyang punuin ito ng mga barya balang araw para matupad ang isang pangarap.

Kilalanin si Anthony at alamin ang kaniyang mga pangarap sa Alkansya, isang dokumentaryo ngayong Lunes, December 31, sa I-Witness pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

 

Show comments