Kabayan itatampok ang 12 pinakamahahalagang balita ng 2012
MANILA, Philippines - Anu-anong mga balita ang pinakatumatak at naging pinakamakabuluhan sa buhay ng mga Pilipino sa taong ito? 

Babalikan ng ABS-CBN News and Current Affairs (NCAD) ang pinakamalalaking personalidad at pangyayaring yumanig sa bansa ngayong 2012 sa isang interactive na yearend special, ang Sandosenang Balita ng 2012: Yearender ng Bayan na mapapanood ngayong Linggo (Dec 30) ng gabi.

 Pangungunahan ni ‘Kabayan’ Noli De Castro ang pagbabalik-tanaw sa top 12 na istoryang nakatanggap ng pinakamaraming boto sa isang espesyal na botohang isinagawa ng ABS-CBN NCAD team.
Mula Nobyembre 19 hanggang 29, pinapili ang mga manonood sa poll ng 12 mula sa 20 itinalang istoryang nangyari nitong 2012.
Kabilang dito ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, ang pagpanaw nina dating DILG secretary Jesse Robredo at Comedy King Dolphy, ang pagsiklab ng tensiyon sa Scarborough Shoal, ang mga paratang ng plagiarism laban kay Sen. Tito Sotto, ang trahedyang hatid ng Habagat at Superbagyong Pablo, ang bugbugan nina Mon Tulfo, Raymart Santiago at Claudine Barretto sa NAIA, ang framework peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front, at ang pagluklok bilang ganap na santo kay Beato Pedro Calungsod.
Mula sa 14,519 botong nakalap, alin kaya sa mga balitang ito ang nakatanggap ng pinakamaraming boto? Alin ang pinaka-nakaapekto sa mga Pilipino?
- Latest