Top Platinum award, nauwi ng Choose Philippines

MANILA, Philippines - Humakot ng anim na parangal ang ABS-CBN sa ginanap na Araw Values Awards 2012 kasama na ang Platinum award para sa advocacy institutional advertising division sa Philippine tourism music video na Piliin Mo ang Pilipinas na likha ng ABS-CBN Regional Network Group.

Ang nagwaging music video ay nilikha para sa Choose Philippines website ng ABS-CBN RNG at binigyang buhay ng shadow theater group at Pilipinas Got Talent 3 grand finalist na El Gamma Penumbra.

 “Isang karangalan ang manalo sa Araw Values Awards dahil hindi lamang ito tungkol sa pagbuo ng isang brand kung hindi pagbuo rin ng isang bayan,” sabi ni Robert Labayen, head ng ABS-CBN Creative Communications na siyang grupo sa likod ng award-winning music video.

Simula nang mamuno si Labayen noong 2004, nakapag-uwi na ang ABS-CBN ng tatlong Platinum awards sa Araw Values Awards.

Ang Piliin Mo ang Pilipinas music video, na inawit ni Angeline Quinto at Vincent Bueno, ay matagumpay na nagtaguyod ng Araw value ng ‘Love of Country and Respect for National Customs and Tradition’ sa pagpapamalas nito ng magagandang destinasyon sa bansa, palakaibigang mga tao, at natatanging kultura. Kinilala ng maraming Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo ang kampanya kaya naman gumawa rin sila ng sarili nilang bersyon ng music video at inupload ito online. Maging si Tourism Secretary Mon Jimenez ay nagpatulong sa Choose Philippines para mas lalo ring makilala ang “It’s More Fun in the Philippines” na kampanya ng Department of Tourism.

Bukod pa sa apat na Platinum award, nagwagi rin ang Kapamilya Network  ng dalawang Silver at tatlong Bronze na parangal para sa Advocacy Institutional Advertising Division.

Samantala, nakakuha naman ng bronze ang Pinoy Summer Da Best Forever  para sa Love of Country and Respect for National Customs and Traditions category;  Pagbangon: Kapatid  para sa Respect and Care for Human Life and Dignity and the Rights of All; at Mural para sa Concern for and Preservation of Environment category.

 

Show comments