Matagal nang balot sa kontrobersiya ang katauhan ni Gen. Emilio Aguinaldo. May mga naghihinalang pinapatay niya si Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan. May mga bumabatikos na ipinagkanulo niya ang himagsikan at nasuhulan ng mga Kastila.
Pagtatanggol naman ng iba, matapang na mandirigma si Aguinaldo at tapat sa layuning ipaglaban ang kalayaan ng Filipinas. Na uliran siyang asawa.
Anupaman si Aguinaldo, hindi maipagkakaila na makulay ang kanyang buhay. Kaya’t hindi katataka-takang ito ay isinapelikula. Andiyan na ang lahat ng rekado : aksiyon, romansa, drama. Ang mahalaga lang ay kung paano paghahaluin ang mga ito upang makabuo ng isang pelikula na maipagmamalaki bilang isang historical epic.
Ito ang hamon na tinanggap ng Scenema Concept International, Viva Films, at CMB Film nang magsanib sila upang iprodyus ang El Presidente, isang paglalarawan kay Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng Republika.
Ambisyoso ang proyekto dahil sinasaklaw nito ang isang krusyal na kabanata sa ating kasaysayan.
Si Jeorge ER Estregan ang lumalabas na Aguinaldo. Ito ang pangalawang historical film para kay Estregan matapos ang Asiong Salonga: Manila Kingpin noong nakaraang taon.
Isang katerbang bigating artista ang katambal ni Estregan sa El Presidente. Pinangungunahan sila nina Nora Aunor, Cristine Reyes, Christopher de Leon, at Cesar Montano.
Iniwasan ng Mark Meily, ang director ng El Presidente na siya ring screenwriter, ang kronolohikal na pagsasalaysay at piniling buksan ang istorya sa paghuli kay Aguinaldo ng mga tropang Amerikano sa kanyang kuta sa Palanan, Isabela, noong 1901. Ginamit ni Meily ang balik-tanaw upang pagdugtungin ang mga mahahalagang yugto sa buhay ni Aguinaldo bago siya madakip.
Sakop dito ang pagiging cabeza de barangay niya ng Binakayan, ang pagsapi niya sa Katipunan, ang hidwaan nila ni Andres Bonifacio (Cesar Montano), ang mahaba at madugong digmaan laban sa mga Kastila, ang pagpapatapon kay Aguinaldo sa Hong Kong, ang pagbuo ng unang Republika sa Malolos, ang giyera kontra mga Amerikano.
Bumalik ang kuwento sa Palanan, at sinundan ng pagkakakulong ni Aguinaldo sa Malacañang, ang masigasig niyang kampanya na makamit ng Filipinas ang independence mula sa US, ang pananakop ng Hapon.
Natapos ito sa pagkamatay ni Aguinaldo noong 1964.
Inamin ni Meily na matindi ang pagsasaliksik upang maging historically accurate ang El Presidente. Nagbunga naman ang kanyang research. Makikita ito sa mga rayadillo ng mga Katipunero, uniporme ng mga sundalong Kastila at pati na sa pananalita (ang “cabeza” ay ibinibigkas na “cabetha”).
Sa El Presidente, iginiit ni Aguinaldo na hindi niya inutos ang pag-salvage kay Andres Bonifacio at kapatid nitong si Procopio. Ngunit may mga pahiwatig na may kinalaman siya sa pagpaslang kay Gen. Antonio Luna, na pinaghihinalaang nagbabalak ng isang coup laban kay Aguinaldo.
Matagumpay ang pagsasalarawan ni Estregan kay Aquinaldo bilang isang historical figure. Ngunit wala itong pagkakaiba sa Aguinaldong matutunghayan natin sa history books.
Dahil sa lawak ng nais sakupin ng pelikula, hindi nasilayan ang Aguinaldo na isang karaniwang tao na marupok at may mga pagkukulang. Pahapyaw din ang pagsasalarawan sa kanya bilang isang asawa at ama.
Katunayan, parang inihabol na lang ang pagsasama ni Aguinaldo at ng kanyang pangalawang maybahay, si Maria Agoncillo (Nora Aunor).
Mahigit na dalawang oras at kalahati ang haba ng El Presidente. Nanghinayang marahil si Meily na putulan ang kanyang script. Pero maraming eksenang puwedeng igsian na hindi masisira ang daloy ng istorya.
Sa ngayon, natatangi ang El Presidente bilang historical drama. Pero malaki pa sana ang potensiyal nitong maging isang kumikinang na obra.