Iza wala nang urungan sa the Biggest Loser

Sa February 2013 pa magtatapos ang ABS-CBN soap na Kapag Puso’y Masugatan, pero may bago nang show si Iza Calzado. Siya ang host nang nagbabalik na Biggest Loser at nakipag-meeting na ang manager nitong si Noel Ferrer para rito.

Isa ang Biggest Loser  sa nasa kontrata ni Iza na shows na ibibigay ng ABS-CBN and in fairness, lahat nang nasa kontrata niya ay nasusunod, maliban na lang sa pelikula sa Star Cinema.

Bagay na host ng Biggest Loser si Iza dahil ma­taba rin siya dati, pero dahil sa sipag, tiyaga at patuloy na pagda-diet, pumayat. Nakaka-bilib ang disiplina nito sa pagkain at nagbabaon pa sa taping at shooting.

Si Sharon Cuneta ang unang host ng Biggest Loser bago ito lumipat sa TV5. Pero hindi nabanggit kung kailan ang airing ng reality show.

Magaling na aktor na nawawala sa eksena, nagbibisyo!

“Nagpapakondisyon na,” sagot ng magaling na aktor sa mga nangungumusta sa kapatid niyang aktor din na tila on hold ang career dahil na rin sa pagpapabaya. Bukod sa tumaba, may mga tsikang unprofessionalism ang aktor at may tsika pang sinabayan pa ng masamang bisyo.

Hindi na nag-elaborate ang aktor sa unang sinabi’t ayaw pangunahan ang kapatid. Basta ang alam niya, maganda na ang kondisyon nito at mas pinapaganda pa bilang paghahanda next year dahil muli itong magiging busy sa TV at pelikula.

Nakausap namin ang isa sa kaibigan ng aktor na missing sa eksena ngayon at abangan daw next year dahil makikipagsabayan uli ang aktor sa ibang talents ng network kung saan ito nakakontrata.

Rocco favorite dessert si Lovi

Hirap ang press na paaminin si Rocco Nacino sa feelings niya kay Lovi Poe, kapareha niya sa Yes­terday’s Bride ng GMA 7. Habang nakikinig kami sa interview sa aktor ng TV reporter, feeling na­min pinaghandaan nito ang bawat tanong dahil mabilis ang mga sagot.

Saka, consistent si Rocco sa pagsasabing friends lang sila ni Lovi at nag-i-enjoy lang sa company ng isa’t isa, kaya madalas silang magkasama. May binanggit itong Hohol sila ni Lovi na ang ibig sabihin ay Hangout Hangout Lang.

Pati ‘yung nakita silang sweet sa Barcino’s sa Rockwell, may sagot agad si Rocco. Hindi lang daw sila ni Lovi ang naroon, may mga kasama silang kaibigan, hindi lang napansin at sila lang ni Lovi ang nakita.

Pero nang tanungin namin kung ano ang favorite dessert niya, “Ice Cream” ang sagot at sa follow-up ques­tion namin na kung dessert si Lovi, anong dessert ang dalaga? “Ice Cream” ang sagot.

Bingo! Huling-huli si Rocco.

Dominic binigyan na ng pagkakakitaan ng GMA

Hindi na “wala” ang sagot ni Dominic Roco ‘pag tinatanong kung may bago siyang project sa GMA 7 dahil may naikukuwento na siya. Kasama ang actor sa cast ng Indio na magsisimulang umere sa January 14, 2013 at pinagbibidahan ni Sen. Bong Revilla at maraming magagandang Kapuso aktres.

Sa Pagsanjan, Laguna ang taping niya bilang si Tuhay, isang indio na magiging si Cesario ‘pag napunta na siya sa pangangalaga ni Marco Alcaraz na gaganap na Espaῆol.

Isa pang nagbigay ng saya kay Dominic ay ang pagkakasali ng movie niyang Ang Nawawala sa Slamdance Film Festival dahil out of 5,000 films, isa lang sa 12 films ang pelikulang kasama siya and the only Filipino film na makakasama sa filmfest na counterpart ng Sundance Film Festival.

Sa January, 2013 sa Utah, USA gaganapin ang Slamdance Film Festival at hindi pa tiyak si Dominic kung makakadalo siya dahil inaayos pa ang kanyang passport.

 

Show comments