MANILA, Philippines - Ngayong Sabado’y mapapanood sa Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh ang isang makabuluhan at masayang pagtitipon sa bahay-tuluyan ng mga batang maysakit na Childhaus na matatagpuan sa 90 Mapang-akit Street, Diliman, Quezon City.
Isa itong pasasalamat sa mga taong walang-sawa sa pagbibigay ng tulong sa tahanang ‘yon na donasyon ni Mr. Hans Sy ng SM chain of companies. Itatampok ang mga Ninong at Ninang ng nasabing lugar. Ipakikita rin ang mga batang nanuluyan sa CH na ngayo’y nakauwi na sa kani-kanilang tahanan at tinaguriang survivors at gumaling na.
Dumalo si Ninong Hans at pamilya sa thanksgiving party para personal na mamahagi ng aginaldo sa mga batang maysakit. Bumaha ang masasarap na pagkain at nagkaroon pa ng mga palaro. Inaliw ng clowns, mascots at magicians ang mga bata at mga panauhing nakisaya sa pagtitipon.
Sa loob ng siyam na tao’y marami na ang inalagaan ng CH. Ngayo’y mahigit 3,000 na ang nanuluyan dito na nakauwi sa kani-kanilang tahanan. “Nalulungkot kami kapag may namamatay na pasyente. Pero lumiligaya kami kapag may mga umaalis dahil tapos na ang pakikibaka nila sa malubhang karamdaman,” sabi ni Mader Ricky na founder ng Childhaus.
Ang GRR-TNT ay prodyus ng ScriptoViusion at napapanood sa GMA News TV alas-nuwebe hanggang alas-diyes ng umaga tuwing Sabado.