PIK: Hindi naniniwala si Rocco Nacino na masi-shelve na ang malaking project niyang Biag ni Lam-Ang.
Nakakausap daw niya ang direktor niya at ang producer ng naturang project, tiniyak daw sa kanyang matatapos ito.
Nagkaroon lang ng delay dahil nagkaproblema sa budget at madalas pa ang pag-uulan, pero itutuloy daw nila ito at tatapusin.
Kaya hindi nangangamba si Rocco na maunsyami na ang first title role project niya.
Alam daw niyang medyo matatagalan bago mag-resume ang shooting, pero definitely matutuloy daw ito.
Abala naman daw siya ngayon sa taping ng Yesterday’s Bride kaya magkakaroon pa raw siya ng sapat na panahon para mapaghandaan ang pagbabalik niya sa shooting ng Lam-Ang.
PAK: Sa sobrang pagka-busy ng batang si Ryzza Mae Dizon para sa promo ng Si Agimat, si Enteng Kabisote at si Ako, nung nakaraang Pasko lang siya nakalabas para mamili ng pamasko niya at ilang gamit.
Pumunta sila ng SM San Lazaro dahil malapit lang sa bahay niya, at akala yata ng Mommy niya, simpleng tao lang sila na ang daling mag-ikot sa ganun kataong mall.
Hanggang sa Dickies lang daw sila para gamitin ang gift certificate na binigay namin sa kanya dahil hindi na raw ma-control ang dami ng taong gustong magpa-picture sa bagets.
Gusto pa raw sana nila manood ng Si Agimat, si Enteng Kabisote at si Ako, pero hindi raw nila kaya ang sobrang haba ng pila na gustong manood ng pelikula nila.
BOOM: Tama nga ang forecast ng karamihan na maglalaban sa number one slot sa boxoffice ang Si Agimat, si Enteng Kabisote at si Ako at ang Sisterakas.
Sa first day nito, nangunguna ang Si Agimat… at sumusunod ang Sisterakas. Pero maliit lang daw ang lamang ng Si Agimat… kaya mahigpit talaga ang labanan.
Nakausap ng 24 Oras si Sen. Bong Revilla kamakalawa ng gabi at nagpapasalamat ito sa lahat na sumuporta sa kanilang pelikula.
Hindi naman daw labanan dito kung alin ang mag-number one sa boxoffice. Ang mahalaga ay malakas ito sa takilya at ito na yata ang pinakamalakas na MMFF so far.
Kung tuluy-tuloy ang lakas nito, tiyak na malalagpasan nito ang record nung nakaraang taon.
Malakas din ang laban sa takilya ng One More Try, at Shake, Rattle and Roll 14. Pagkatapos nito ay ang The Strangers, sinundan ng El Presidente, Sosy Problems at ang Thy Womb.