Nahihirapan na ring kumilos... Numero unong kontrabidang si Bella Flores tinamaan ng Alzheimer’s disease!

Marami ang nalungkot sa featured story ng Startalk noong Sabado, ang pagkakaroon ng Alzheimer’s disease ng veteran actress na si Bella Flores.

Parang kailan lang nang makita ko si Mama Bella sa canteen ng GMA 7. May kasama siya na dalawang tao na umaalalay sa kanya. Nag-usap pa kami ni Mama Bella pero matalas na matalas pa ang memorya niya noon kaya nalungkot ako nang mapanood ko ang kuwento tungkol sa kanyang karamdaman.

Mangiyak-ngiyak ang anak na babae ni Mama Bella habang ikinukuwento nito ang unti-unting pagkawala ng memorya ng kanyang ina. Napansin nila ang pagbabago sa ugali ni Mama Bella pagkatapos ng operasyon nito.

Si Butch Francisco ang nag-interbyu kay Mama Bella at base sa kanilang pag-uusap, maraming bagay nang hindi natatandaan ang numero unong kontrabida sa history ng Philippine Cinema.

Kung may isang bagay ako na napansin, ayos na ayos pa rin ang kilay ni Mama Bella kahit nakahiga na lamang sa kama dahil nahihirapan siya na maglakad.

Napanood ni Sen. Bong Revilla, Jr. ang nakakalungkot na panayam kay Mama Bella kaya nangako siya na magbibigay ng tulong sa 76-year-old actress na itinuturing na contravida icon ng ating bansa.                      

Ang My Kontrabida Girl ang huling pelikula ni Mama Bella. Ipinalabas ang pelikula sa mga sinehan noong March 14, 2012.

Parang tribute kay Mama Bella ang pelikula na pinagbidahan ni Rhian Ramos. Malakas na ma­lakas at matalas pa ang memorya ni Mama Bella nang gawin niya ang My Kontrabida Girl.

Isa lamang si Mama Bella sa mga kilalang personalidad na dinapuan ng Alzheimer’s disease. Nagkaroon din ng Alzheimer’s si former US President Ronald Reagan na hindi na nakita ng publiko mula nang ma-diagnose ang kanyang karamdaman. Namatay si President Reagan sa edad na 93 noong June 24. Eighty-three years old si Reagan nang malaman na may Alzheimer’s disease siya.

Malaking gastos ni Mother Lily nasulit sa grade na A

Congrats kay Mother Lily Monteverde dahil Graded A ng Cinema Evaluation Board (CEB) ang Shake, Rattle and Roll XIV: The Invasion, ang official entry ng Regal Entertainment, Inc. sa Metro Manila Film Festival 2012.

 Nasa Christmas lunch ako ni Sen. Jinggoy Estrada nang malaman ko ang good news. Hindi naman ako nagulat sa mataas na grade na ibinigay ng CEB sa pelikula ni Mother Lily dahil subok na subok na ang husay ng direktor na si Chito Roño.

Ngarag na ngarag si Chito dahil tinutukan niya ang special effects ng pelikula. Ang sabi ng mga nakapanood sa 14th Shake…, sulit na sulit ang ibabayad ng mga manonood dahil maganda talaga ang project.

Kung happy si Chito sa desisyon ng CEB, mas maligaya si Mother Lily dahil parang nabawi na niya ang kanyang ginastos. Madalas sabihin ni Mother na katumbas ng tatlong pelikula ang budget ng Shake, Rattle and Roll.

                                   

Show comments