Noong isang linggo ay nagtapos na ang teleserye ni JM de Guzman na Angelito: Ang Bagong Yugto. May mga bulung-bulungan na sumama ang loob ng aktor dahil napaaga ang pagwawakas ng kanilang soap opera. Napabalita kasi noon na Pebrero pa dapat ito magtatapos.
“Wala naman ako sa posisyon kasi aktor din lang po ako. Kinuha rin lang ako ng ABS-CBN pero mas maganda sana kung may trabaho pa rin kami. Umaasa pa rin ako na sana mabigyan pa kami ng pagkakataon,” paliwanag ni JM.
Hindi alam ng binata kung bakit mas napaaga ang pagtatapos ng nasabing serye.
“Sa tingin ko ’yung motibo naman po ng istorya natumbok po namin. Batang ama po so, ’yun ang dapat niyang gawin, ’yung gagabay sa kanya para gawin ang tama,” dagdag pa ni JM.
Samantala, may mga nagsasabing mahirap sakyan ang tunay na ugali ni JM. Kung minsan ay mabait at kung minsan naman daw ay mahirap makasundo. Pagdating sa trabaho ay malaki ang epekto kay JM ng sobrang pressure dahil madalas siyang nagkakamali dahil dito.
“Bago ako mag-start, sinabi ko na po na magri-risk ako. Isipin na nila kung ano ang gusto nilang isipin sa akin. Ginagawa ko rin ito para sa kanila. Gusto ko as much as possible ’yung mga proyekto ko, ’yung outcome nun, gusto ko masasabi ko at sigurado ako sa sarili ko na buung-puso kong ibinigay and ’di ako natakot kung magkamali man. Alam kong mapapatawad ako kasi maganda ang intensiyon ko,” paliwanag pa ng aktor.
Jake hinay-hinay pa rin kay Lovi pero hindi na umaasa
Kahit matagal nang napapabalita na magkarelasyon na diumano sina Jake Cuenca at Lovi Poe ay patuloy pa rin ang pagsasabi ng dalawa na malapit na magkaibigan lamang sila. Hindi pa rin daw handa na muling pumasok sa isang relasyon si Jake.
“I’m taking it slow. She means a lot to me but I’m taking it slow. Isang pagkakamali ko noon pa man is to just really jump into something, eventually nagpe-fade rin. I’m not getting any younger. Kung may papasukan man akong love life, gusto ko sana ’yun na ’yun,” bungad ni Jake.
Bukas din ang aktor sa pagsasabing malaki ang paghanga niya kay Lovi at marami talagang lalaki ang nagkakagusto sa aktres.
“Lovi is an amazing woman. She’s such a beautiful girl. Kahit naman sinong lalaki masasabi ’yun about her. Sobrang bait at sobrang ganda niya. I’m just really amazed by her,” pagtatapat ni Jake.
Posible pa kayang maging girlfriend si Lovi ng binata?
“Mahirap mag-expect eh. I just let things fall into place. ’Yun na lang, tuloy ang pagkakaibigan,” giit pa ng aktor. Reports from JAMES C. CANTOS