Masayang-masaya si Gerald Anderson dahil nabigyan siya ng pagkakataon na makatrabaho si Maricel Soriano sa teleseryeng Bukas Na Lang Kita Mamahalin. Ayon sa aktor, malaking karangalan para sa kanya na makasama sa isang proyekto ang Diamond Star.
“I feel blessed na kasama ako sa comeback project niya sa ABS-CBN. Excited ako kasi si Miss Maricel ’yan. Alam kong madami akong matututunan sa kanya, so, I’m really excited,” nakangiting bungad ni Gerald. Maganda raw ang tema ng bagong soap opera ng binata at may pagkaaksiyon din ang dating nito.
“Sobrang action siya na may drama talaga. What attracted me is ’yung kuwento talaga,” paglalarawan ng binata.
Samantala, abala rin ngayon si Gerald sa pelikula nila ni Piolo Pascual na OTJ. Matitinding aksiyon na eksena rin ang kanilang ginagawa para sa nasabing pelikula. “Sobrang exciting, grabe! Minsan dalaw kayo sa set, naghahabulan kami, nagbabarilan kami, pero kapag hindi take para kaming mga bata lang na naglalaro. Masaya,” kuwento pa ni Gerald.
Dominic iiwan na si Ella
Sa Enero ay magtatapos na ang teleseryeng Aryana na kinabibilangan ni Dominic Roque. Natutuwa ang binata dahil hindi pa man nagwawakas ang nasabing soap opera ay meron na siyang bagong proyektong pinaghahandaan.
“Actually, itong bagong show this coming 2013, ’yung May Isang Pangarap. Thankful kasi may bagong show bago matapos ang Aryana,” pahayag ni Dominic.
Sa bagong show ng binata ay hindi na si Ella Cruz ang kanyang makakatambal.
“Parang ganun na nga po kasi sa Aryana tatlo kami na love team ni Aryana, so, hindi namin alam kung kanino siya mapupunta or kanino mag-e-end up si Aryana. Parang ganun so, medyo magde-detach.
“Actually, bago rin lang siya. She is Erin Ocampo so, siya ’yung magiging bagong ka-love team dito. Para sa akin gagawin ko lang ang trabaho ko. Praying na maging maganda at tangkilikin din ng mga tao,” dagdag pa ni Dominic.
Ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng Aryana ay ine-enjoy na ng kanilang buong grupo ang bawat taping day nila.
“Enjoy-enjoy lang kami kasi trabaho lang naman. Magkaka-barkada pa rin naman kami kasi kahit hindi naman Aryana lumalabas kami,” kuwento ng binata.
Nasabi na rin ni Dominic kay Ella ang tungkol sa bago niyang show.
“Recently lang kasi nasabi sa akin itong show, so, ang sinabi niya lang, ‘Uy! May bago ka ng show. Galingan mo ha? Good luck sa iyo ha?’” dagdag pa ni Dominic.
Nakikiusap rin ang binata sa lahat ng mga tagahanga ng tambalan nila ni Ella na suportahan din sana ang kanyang bagong programa.
Reports from JAMES C. CANTOS