Sa presscon ng Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako ay sinabi ni Sen. Bong Revilla, Jr. na hindi sila magpapalipas ng Kapaskuhan sa ibang bansa.
‘‘Dito lang kami magpapalipas ng Kapaskuhan dahil magiging abala kami sa gift-giving sa aming lugar. At sa noche buena sama-sama kaming pamilya sa simbahan at dun na inaabutan ng Pasko. May family-bonding kami this holiday season at sasama sa Parade of Stars ang buong cast ng aming pelikula,’’ sabi ng actor-politician.
Tinanong din si Sen. Bong tungkol sa relasyon ni Jodi Sta. Maria at anak na si Jolo. Hindi raw siya nakikialam pagdating sa pag-ibig ng anak basta’t maligaya ito. Pero sana raw ay huwag munang pakasal ang dalawa.
Nag-iisang fantasy adventure family comedy ang pelikula nina Bong at Bossing Vic Sotto kaya inaasahan itong magiging box-office hit gaya nung nakaraang mga taon.
Kasama pa rin sa pelikula sina Judy Ann Santos, Gwen Zamora, Sam Pinto, Jose Manalo, Wally Bayola, mga batang sina Jillian Ward at Ryzza Mae Dizon, at komedyanteng si John Lapus sa direksiyon ni Tony Reyes.
Mapapanood ito sa Disyembre 25 bilang entry sa Metro Manila Film Festival.
Star Magic artists tambak sa filmfest
Maraming mga Star Magic artists ang kasama ngayon sa Metro Manila Film Festival 2012 gaya nina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Xyriel Manabat, at Thou Reyes para sa Sisterakas; Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo sa One More Try; John Lapus sa Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako; Enchong Dee, Julia Montes, Enrique Gil, at JM de Guzman sa The Strangers; at Chocolate, Jarius Aquino, at Vhong Navarro sa trilogy na Shake, Rattle and Roll XIV: The Invasion sa episode na Unwanted. Kabilang din sina Empress, Dimples Romana, at Ivan Dorschner sa Pamana episode at sina Paulo Avelino, Alex Castro, Ella Cruz, at Carlo Aquino sa Lost Command.