Mahigit isang dekada nang namamayani ang Regal Films sa pagpapalabas ng horror film tuwing Pista ng Pelikulang Pilipino o Metro Manila Film Festival. Katunayan, pang-14th year nang ipinalalabas ang Shake, Rattle & Roll. Pero, kung ang nakaraang 13 pelikula nito ay palaging tatlo ang nagdidirek ng pelikula, ngayon ay si Chito Roño lamang. At kung dati ay nakokopo ng Regal ang pagpapalabas ng nakakatakot na pelikula, ngayon ay isang kumpanya ang nagpasyang gumawa rin ng horror. Ito ay ang Quantum Films at MJM Productions. Isang makabagong horror experience at pag-akay sa mga manonood ang gagawin nila sa pamamagitan ng The Strangers.
Ang The Strangers ay tungkol sa isang pamilya na gustong magkaroon ng closure ang hindi nila pagkakaunawaan kaya’t, isang gabi bago sumapit ang ika-18 kaarawan ng kambal na sina Pat (Julia Montes) at Max (Enrique Gil) ay magkakaroon ang mag-anak ng isang out of town trip. Kasama ang mag-asawang sina Roy at Evelyn (Johnny Revilla at Cherry Pie Picache), ang lolo ng kambal na si Pete (Jaime Fabregas), ang caretaker na si Paloma (Janice de Belen), ang driver na si Toning (Nico Antonio). Papunta na sila sa bayan ng Murcia nang may masagasaan silang isang matanda. Bumaba sila para tulungan ito pero bigla itong naglaho. Dito na sila sinundan ng malas. Masisiraan sila ng sasakyan, si Toning mabibiktima ng aswang. Mawawala sina Roy at Pete, maiiwan nila sina Evelyn, Pat, Max, at Paloma. Magkakaroon ng hindi maipapaliwanag na aswang attacks. Makakahanap si Pat ng kakampi sa katauhan ni Dolfo (Enchong Dee).
First time ito nina Julia, Enchong, at Enrique na sasabak sa MMFF. When asked kung pang-award ba ang performance nila sa pelikula, sinabi ni Enchong na “Iki-claim ko na magaling ako rito. Sure ako kahit hindi ko pa napapanood ang buong pelikula. Ibinigay ko ang best ko.”
Bagaman bago ang director ng movie na si Lawrence Anthony Fajardo na director din ng Posas, isang indie film na nanalong Best Picture sa Hanoi Film Festival at Best Film sa Director’s Showcase sa 2012 Cinemalaya. Ito rin ang nagdirek ng Amok na nakatanggap ng 11 nominasyon sa 2012 Gawad Urian at ang grand prize sa Detective Fest sa Moscow nung April 2012. Hindi siya intimidated na mayroon siyang isang magaling na kalaban.
Ipinaliwanag naman ni Enchong Dee at Julia Montes na walang break-up na naganap sa kanila dahil wala pa naman silang relasyon na maaring maputol. Bagaman at magkasama sila sa The Strangers, sinabi nila na wala silang masyadong interaction sa pelikula, at maging sa personal nilang buhay. Pareho silang abala kaya hindi nila nabibigyan-panahon ang ligawan. Pero sinabi ng batang aktres na nanliligaw pa rin sa kanya ang aktor. Mukhang ang tatlong linggong biyahe niya sa Amerika at Europa ay nakaapekto sa closeness nila. Inamin nila na nung presscon lamang sila’t nagkita’t nagkausap.
NOLI ME TANGERE MAY BAGONG BERSIYON
Ang katoto palang si George Vail Kabristante na Artistic Director din Balintataw Film & Theater Arts ang director ng Noli Me Tangere, isang makabagong bersiyon ng klasikong nobela ni Dr. Jose P. Rizal. Pangalawang pagsasama na ito nina Direk George at Fernan de Guzman, isa pa ring entertainment writer at miyembro ng PMPC. Si Fernan ang art director ni George sa acclaimed film na Uod sa Laman na hanggang ngayon ay napapanood pa rin sa Pinoy Boxoffice ng Viva. Ang nasabing pelikula ay ini-report bilang research paper/demonstration ni George sa Cyprus Congress of Greek Theater tungkol sa Konstantin Stanislavsky method of acting for stage and film na kung saan ang mga gumanap ay sina Angie Ferro, Ronnie Lazaro, Alan Paule, Pen Medina, Ray Ventura, at Criselda Volks.
BIMBY MAS MATAGAL NGAYONG NAKAKASAMA NI JAMES
Kung pati lovelife nila ay napag-uusapan na ng dating mag-dyowang Kris Aquino at James Yap eh, totoo nga sigurong okay na sila. I’m sure ang unang-unang matutuwa rito ay ang anak nilang si Bimby na makararanas ng isang European holiday. Ang bata pa nito pero well travelled na. Sa first week na ng January 2013 ang balik nila. Mabuti na lamang at may laro sa Pasko si James, hindi nito masyadong mami-miss ang anak. Pero sinulit naman nilang mag-ama ang panahon na magkakahiwalay sila. Thankful ang basketbolista kay Kris dahil hindi nito ipinagdamot ang anak sa kanya.