MANILA, Philippines - Hatid ng GMA News TV ngayong Linggo ang Asia’s Titanic, ang dokumentaryo ng National Geographic tungkol sa pinakamatinding peacetime maritime disaster sa kasaysayan kung saan mahigit-kumulang apat na libong katao ang namatay matapos lumubog ang barkong MV Doña Paz 25 taon na ang nakalipas.
Mula sa direksyon ni Yam Laranas, tunghayan ang nakaaantig na salaysay ng mga survivor at rescuer, aktuwal na transcript mula sa Philippine congressional inquiry sa nasabing trahedya, ang mga footage at mga litrato maging ang re-enactment ng masaklap na banggaan ng Doña Paz at oil tanker na MT Vector sa may Mindoro limang araw bago mag-Pasko noong 1987.
Ang opisyal na bilang ng mga pasahero ay dapat hanggang 1,518 lamang pero ayon sa mga survivor ay mahigit rito ang sakay ng barko dahil sa kagustuhan ng marami na makauwi sa kani-kanilang pamilya para sa nalalapit na kapaskuhan.