ABS-CBN shows at stars humakot ng Anak TV Seals
MANILA, Philippines - Aprubado ng mas maraming mga magulang, guro, nongovernment organizations o NGOs, at iba pang sektor ng lipunan ang panonood ng Kapamilya programs at pag-idolo sa Kapamilya stars ng kanilang mga anak matapos humakot ng 25 parangal ang ABS-CBN sa ginanap kamakailan na 11th Anak TV Seal Awards.
Iginawad ang Anak TV Seal sa mga programang wholesome at ligtas panoorin ng mga bata. Namayagpag sa listahan ng pinarangalan ang Kapamilya regional programs na kinabibilangan ng Arangkada, Bida Kapampangan, Derecho, Gandang Umaga Kapamilya, Halad sa Kapamilya-Cebu, Maayong Buntag Mindanao, Magandang Umaga South Central Mindanao, Mag TV na Amiga-Bacolod, Mag TV na Atin ’To-Baguio, Mag TV na Ato Ni-CDO, Mag TV na Oragon-Bicol, Mag TV na Sadya Ta- Davao. Marhay na Aga Kapamilya, Naimbag Nga Morning Kapamilya, Sikat Ka Iloilo, at The Morning Show-Bacolod.
Nakakuha rin ng prestihiyosong Anak TV seal ang ABS-CBN shows na Ako ang Simula, Go Diego Go, I Got It, Junior MasterChef, Matanglawin, Rated K, Salamat Dok, The Penguins of Madagascar, at Why Not?
Namayagpag din ang mga entertainment at news personalities Dos sa listahan ng male at female Makabata Stars base sa resulta ng Boto Ko ’To survey kung saan tinanong ang maraming adult voters kung sinu-sino sa local TV personalities ang iginagalang at pinagkakapitagan ng kanilang kabahayan.
Nanguna sa listahan ng male Makabata stars si Coco Martin na sinundan nina Boy Abunda, Gerald Anderson, Kim Atienza, Noli de Castro, Ted Failon, Zaijian Jaranilla, Vhong Navarro, Anthony Taberna, at Richard Yap.
Kinilala naman na kapani-paniwala, wholesome, at magandang ehemplo sa mga kabataan ang female Makabata stars na kinabibilangan nina Kim Chiu, Anne Curtis, Karen Davila, Sarah Geronimo, Toni Gonzaga, Angel Locsin, Judy Ann Santos, Bernadette Sembrano, at Jodi Sta. Maria.
Samantala, pito sa sampung Most Well-Liked TV Programs sa bansa para sa taong 2012 ay mula sa ABS-CBN. Pinangunahan ito ng primetime newscast na TV Patrol, na kamakailan ay ginawaran din ng Philippine Movie Press Club ng parangal bilang best newscast sa kanilang taunang Star Awards for Television, na sinundan ng phenomenal drama series Walang Hanggan. Kabilang din sa Top 10 ang Matanglawin, It’s Showtime, Be Careful with My Heart, Maalaala Mo Kaya, at Princess and I.
Ang Anak TV Seal awarding ceremony ay ginanap sa Lord’s Flock Sanctuary sa West Avenue, Quezon City sa pangunguna ni Anak TV spokesperson Mikee Cojuangco Jaworski bilang host.
- Latest