MANILA, Philippines - Waging-wagi pa rin ang ABS-CBN sa mas nakararaming urban at rural na kabahayan sa buong bansa para sa buwan ng Nobyembre sa nakuha nitong total day average national audience share na 41% base sa datos ng Kantar Media.
Lalo pang nadagdagan ang lamang ng Kapamilya sa core primetime block (6PM-10:30 p.m.) sa average audience share na 47%, o 18 puntos na lamang laban sa GMA (29%).
Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock kung saan pinakamaraming nanonood kung kaya’t importante ito sa advertisers na naglalagay ng patalastas para maabot ang mas nakararaming Pilipino sa buong bansa.
Nananatili ring malakas ang ABS-CBN sa core primetime sa ibang lugar kagaya ng Total Luzon, kung saan napapabilang ang Mega Manila, sa 42% audience share.
Panalo rin sa Visayas ang ABS-CBN sa 53% audience share at sa Mindanao kung saan ito nagtamo ng 59%.
Bukod pa riyan, tumibay rin noong Nobyembre ang suporta ng mga Pilipino sa daytime ng ABS-CBN (6AM-6PM), na nagtamo ng average audience share na 38% mula sa 37% noong Oktubre, habang nakaltasan naman dito ang GMA sa 33 mula 35%.
Labintatlo naman sa 15 pinakapinanonood na programa sa bansa ay mula sa Kapamilya network, at maging ang top 10 dito ay inangkin din ng ABS-CBN.
Wansapanataym ang nanguna sa listahan sa national TV rating na 36.4%, habang pumangalawa naman ang Princess and I na may 34.2%.
Hindi rin natibag ang Maalaala Mo Kaya bilang ang numero unong drama anthology sa national TV rating nitong 29.4%.
Samantala, patuloy pa ring nagpapakilig at lumalakas tuwing umaga ang Be Careful With My Heart dahil hinirang itong ika-8 sa pinakatinutukang programa mula sa top 14 noong nakaraang buwan. Tumaas ng bahagya ang national TV rating nitong 25.1% mula sa 23.3% noong Oktubre.
Kabilang din sa top 15 programs ang Kapamilya shows na Ina Kapatid Anak (32.2%), TV Patrol (30.8%), Aryana (26.6%), Kapamilya Deal or No Deal (25.7%), Goin’ Bulilit (24.5%), Rated K (23.1%), at TV Patrol Weekend tuwing Linggo (22.3%) at Sabado (20.4%), at A Beautiful Affair (19.4%).
Hindi naman pinalampas ng maraming Pilipino ang pag-eere ng sorpresang marriage proposal at kasalan nina Zoren Legaspi at Carmina Villarroel sa Zoren-Carmina Always, Forever: A Wedding Like No Other noong Nobyembre 24 dahil nagtamo ito ng national TV rating na 22.8%.
Manu Respall mahusay na Aguinaldo
Tinuturing ng character actor na si Manu Respall na napakalaking break sa karera niya ang pagganap bilang Heneral Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng Pilipinas, sa indie film na Supremo. Ito ay kuwento ng buhay ng bayaning si Andres Bonifacio (na ginagampanan ni Alfred Vargas), ang ama ng himagsikan noong panahon ng mga Kastila.
Excited si Manu sa kanyang makabuluhang papel sa pelikula.
“Malaking karangalan ito. Naipahiwatig ko ang emosyon ni Aguinaldo sa pamamagitan ng aking mga mata lamang, hindi sa pagbitiw ng mga salita,” sabi ni Manu.
Sa trailer ng Supremo, makikita si Manu na dahan-dahang iniikot ang kanyang ulo habang tumitingin sa paligid. Ano ang iniisip niya bilang Aguinaldo? Ano ang pinaplano niya?
“Tahimik ang naging komprontasyon namin ni Alfred. Nagkatitigan lang kami,” dagdag ni Manu.
Masaya ang director ng pelikula na si Richard Somes sa pagganap ni Manu, na kanyang pinili para sa papel na Aguinaldo.
“Naipakita niya ang pagiging malalim na mag-isip at mapagmanman sa kapiligiran gamit lang ang kanyang mga mata,” sabi ng director.
Palabas na ang Supremo sa SM cinemas.