Dingdong balik-Viva! Yari pag nagkabukingan malaking network, iniimbestigahan na ang anomalya sa isang talent management group!

PIK: Sasaya ang mga sumusubaybay sa Sana ay Ikaw na Nga dahil mapapanood bukas sa afternoon drama na ito na masaya na rin sina Carlos Miguel (Mikael Daez) at Cecilia (Andrea Torres) pagkatapos makulong ni Olga (Chynna Ortaleza).

Pero kahit nasa kulungan na si Olga, may masama pa rin itong balak sa dalawa dahil hindi na siya pinatawad ni Carlos Miguel.

May magagawa kaya si Olga laban sa dalawa?

PAK: May malaking isyung sasabog isa sa mga araw na ito kung patuloy na mag-iingay ang matapang na celebrity mom.

Nagsimula na kasing mag-imbestiga ngayon ang isang malaking TV network sa isang ta­lent management group na matagal na naming napabalitang may kakaibang deal sa mga artistang hawak nito.

May ilang taong mai-involve sa gulong ito kapag may ‘di magandang resulta sa isinasagawang imbestigasyon ng malaking TV network.

Medyo maselan ang isyu kaya wala pa muna akong maidagdag na kuwento tungkol diyan.

Malalaman din ‘yan at mapapag-usapan isa sa mga araw na ito.

BOOM: Pagkalipas ng labing-apat na taon, bumalik si Dingdong Dantes sa Viva Films.

Sa Viva naman talaga siya nagsimula at ngayon ay bumalik siya para maging contract artist nila sa naturang film outfit.

Pumirma na ito ng two-year contract sa Viva kamakalawa lang kasama ng abogado nito ang ma­nager niyang si Perry Lan­sigan.

Wala pang masasabi si Dingdong kung ano ang unang pelikulang gagawin niya, pero napapag-usapan nang si Anne Curtis daw ang makakapareha niya sa gagawin niyang pelikula sa Viva.

“Sabay naman kami nag-umpisa dito eh. Kasabayan ko siya when I star­ted at 1998 why not ‘di ba?” pahayag ng aktor.

Aalis ngayong araw si Dingdong kasama si Ma­rian Rivera patungong Amerika para manood ng laban nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa Sabado.

Ilang araw lang daw iyun na bakasyon nila at bale magri-recharge na rin daw sila sa napaka-hectic na schedule nila ngayong taon.

Show comments