Kamakailan ay nagtapos na ang teleseryeng Walang Hanggan. Dito ay napansin ang pagiging magaling na aktor ni Paulo Avelino. Malaki ang pasasalamat ni Paulo sa Kapamilya Network dahil sa pagbibigay sa kanya ng kontrabida role sa nasabing proyekto.
“’Yun naman ang gusto kong gawin. I don’t want to be stuck in one character. Kumbaga may bagong oportunidad na mag-portray ng bagong karakter, gagawin ko,” bungad ni Paulo.
Samantala, makakasama ng aktor si Dennis Trillo sa pelikulang Shake, Rattle & Roll XIV. Matatandaang naging Kapuso star noon si Paulo bago siya lumipat sa ABS-CBN at masaya raw siya na nagkasama muli sila ni Dennis sa isang proyekto.
“Masaya, kumbaga maingay lang kami sa set. Kuwentuhan, ayun nagbalik lang lahat ng alaala namin,” matipid na kuwento ni Paulo.
Naghahangad kaya siya ngayon na makasungkit ng awards para sa lahat ng kanyang ginagawang proyekto?
“For me, I’m not really vying for awards, but I just want to do great films, magagandang teleserye, para sa akin masaya na ako kapag kampante ako sa sarili ko,” sagot ng aktor.
Pagkatapos ng Shake, Rattle & Roll XIV ay isang romantic-comedy film naman ang nakatakdang gawin ni Paulo sa Regal Entertainment, Inc.
Christian nabago ang buhay sa teatro
Muling magkakasama sa isang musical play sina Karylle at Christian Bautista. Magbibida ang dalawa sa Rama Hari na mapapanood sa Cultural Center of the Philippines Main Theater simula ngayong araw hanggang Dec. 9.
Komportable na si Christian sa tambalan nila ni Karylle sa mga proyekto dahil matagal na silang magkaibigan.
“Comfortable kami sa isa’t isa, comfortable kami sa stage. I believe na I am really built for stage, that is a strength of mine. At kung talagang may magandang role that would push me to another level, I will take it,” nakangiting pahayag ni Christian.
Magandang karanasan sa kanya ang pagiging aktibo sa teatro lalo pa’t dito nagsimula ang singer.
“I believe that theater is one of the best places to experience live entertainment in a setting that is magical. Such a magical place na talagang everything is so controlled and dynamic. It changes lives. Hindi lang ako ang nagsasabi. Noong napanood ko ’yung pinsan ko sa The Lion, The Witch and The Wardrobe it changed my life, I want to do theater,” kuwento ni Christian.
“Theater for me is an art form na talagang everyone should experience. People work so hard in the theater rehearsing for months just to do a show and everyone is talented. Everyone is hardworking. I love it going back to my roots also. It’s something na hindi mawawala sa akin na I will always go back to.”
Reports from JAMES C. CANTOS