Vic ayaw gawing big deal ang relasyon kay Pauleen

PIK: Kabadung-kabado si Jose Manalo sa premiere night ng pelikula nila ni Wally Bayola na D’ Kilabots Pogi Brothers… Weh?! na ginanap sa Cinema 9 ng SM Megamall, Mandaluyong City nung isang gabi.

“Nung concert pa lang sobrang kabado na eh. Pero mabilis lang kasi pagkatapos nun tapos na.

“Pero ito iba eh. Hindi ko maintindihan kung gaano kami kakabado rito. Parang ang bilis kasi, ngayong taon lang nangyari lahat. Ang concert ’tapos itong pelikula na,” pahayag ng magaling na komedyante.

Nagsimula nang mag-showing ang naturang pelikula kahapon.

PAK: Itinatanggi ni Alessandra de Rossi ang isyung gustung-gusto na niyang magka-boyfriend sa ngayon.

Ang talagang focus lang niya ngayon ay mabayaran na ang hinuhulugan niyang bahay.

Apat na taon pa ay bayad na siya, kaya todo kayod siya ngayon para lang sa bahay niya.

Kahit daw tumigil na siya showbiz basta bayad na ang bahay niya.

Kabilang pala si Alessandra sa main cast ng Pahiram ng Sandali na mataas ang rating nang pagsisimula nito nung nakaraang Lunes.

BOOM: Umiiwas si Pauleen Luna na magpa-interview nang dalawin namin ito sa set ng Magdalena.

Alam naman niya kasing tungkol pa rin kay Vic Sotto ang itatanong sa kanya na gusto niyang manahimik na lang.

Pero kinagabihan ay dumalo ito sa premiere night ng D’ Kilabots… bilang suporta kina Jose at Wally na kasama nito si Vic Sotto.

Tinanong namin si Bossing Vic kung sila na nga ba talaga dahil open na sila sa publiko na magkasama.

“Sabi mo eh. ’Yun na ’yun!” mabilis na sagot sa amin.

Ayaw lang daw nilang pag-usapan pa ito pero kung ano raw ang nakikita natin, iyon na ang ibig sabihin.

Sinundan uli namin ng tanong na ibig ngang sabihin ay “what you see is what you get?”

“Oo. Kung ano ang nakikita ninyo, ’yun na ’yun. Ayaw na lang naming gawing big deal pa. Mas gusto namin nang tahimik lang at mabuting huwag na lang pag-usapan,” deretso niyang sagot.

Habang kausap namin si Bossing Vic, lumayo si Pauleen para hindi na uli namin matanong.                          

 

Show comments