MANILA, Philippines - Kung nais n’yo lang kiligin sa pagpapanood ng peikula, ang all-star cast movie ng Star Cinema na 24/7 In Love ang bagay sa inyo, lalo na kung fan kayo ng love team nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Ang dalawa ang pinakabida ng smorgasbord movie na ito na tungkol sa myth na malapit nang mag-end of the world at ano ang gagawin mo kung mangyayari na iyon? Isang fan si Kathryn ng sikat na teen singer na ginagampanan ni Daniel na may pa-contest tungkol sa sinasabing end of the world.
Nagtitilian ang mga tagahanga sa loob ng sinehan tuwing kino-close up si Daniel na mas malaki ang hawig sa kanyang inang si Karla Estrada kesa sa ama nitong si Rommel Padilla.
Kaboses naman nito ang kanyang tiyuhin na si Robin Padilla kaya malaki talaga ang potential ng batang ito na mas sumikat pa. Kahit hindi na ka-partner si Kathryn na simple lang ang beauty at nakakahawig naman nito ang dating Sexbomb girl na si Rochelle Pangilinan.
Sa iba pang kuwento ng pelikula, nag-stand out ang episode nina Bea Alonzo at Zanjoe Marudo. Bading si Zanjoe who plays Butch at sobrang in love sa kanya ang kanyang best friend na si Belle played by Bea. Pero hindi rin nabago ang pagkatao ni Butch dahil lalaki talaga ang hanap niya at tama lang na best friends sila ni Belle.
Maganda pala ang chemistry nina Bea at Zanjoe at bagay silang magkaroon ng sariling show na mala-Will & Grace ang kuwento dahil nakakaaliw si Zanjoe bilang bading.
Maganda rin ang episode nina Kim Chiu at Gerald Anderson bilang pagbabalik-tambalan nila. Nagtatrabaho sa isang advertising agency si Kim at hinanap niya si Gerald para maging model ng underwear. ’Yun pala ay ex-lovers sila.
May kilig pa rin ang love team nila though makikita mo na malaki na ang pinag-mature ni Gerald sa kanyang looks samantalang si Kim ay na-maintain ang hitsura nitong sweet and frail.
Puwede nang tanggalin ang episode nina Diether Ocampo at Maja Salvador dahil hindi naman sila bagay at walang dating ang istorya nila tungkol sa isang babaerong boss at ang personal assistant niyang na-in love sa kanya.
Kahit na ang kuwento ni Pokwang na virgin pa at si Sam Milby ang magiging first time niya ay nakakatuwa lang sa umpisa pero alam mong isang malaking pantasya lang ang episode nila.
Pinaka-nanghinayang kami ay sa episode ni Piolo Pascual kung saan kasama niya ang child stars na sina Zaijian Jaranilla at Xyriel Manabat. Nasapawan si Piolo ng dalawang magagaling na bata. Hindi namin maintindihan kung bakit tinanggap ito ni Piolo dahil puwede na nga siyang mawala sa episode at ang dalawang bata na lang ang magbibida.
Gayun din sa episode nina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban. Parang wala ring kuwenta ang episode nila tungkol sa isang misis na malungkot at pinagbalingan niya ang isang trabahador ng isang hotel na tinuluyan niya.
Kung hindi pa nga lumabas sa cameo role sa episode nila si Coco Martin, doon lang nabuhayan ang audience na halos nakatulog na sa sobrang boring na kuwento.