Chromite Kids makikilala sa I-Witness
MANILA, Philippines - Sa huling yugto ng paglalakbay para sa ika-labintatlong anibersaryo ng I-Witness, tutungo ang TV host na si Howie Severino sa silangang bahagi ng bansa. Isa sa mga rehiyong pinakamayaman sa mineral, ngunit isa pa rin sa pinakamahirap.
Wala nang natira sa lupa kung saan noo’y naglalaro sina Jim at ang kanyang mga kapatid. Ang dating tahimik na bakuran, tila dinaanan ng bagyo, puno ng putik at mga butas. Ang ilog na dati rati’y sagana sa hipon at isda, nagkulay putik na. Laman ng ilog ang pinaghugasan ng small-scale mining na tatlong taon nang nasa operasyon sa Salcedo, Eastern Samar.
Ang itinuturong mitsa ng pagkasira ng kanilang lupain ay ang pag-usbong ng chromite mining. Mahalagang sangkap sa paggawa ng bakal, cell phone, ballpen, at iba pang pang-araw-araw na kagamitan ang chromite. Daan-daang residente, kabilang na ang ilang mga bata, ang nagtatrabaho sa putikan para makuha ito.
Makikilala ng host si Jim, labing-tatlong taong gulang. Kasama ng mga kapatid, hinuhukay nila ang kanilang bakuran para maghanap ng chromite at kumita. Tila marami na ang ipinagpalit ng kanilang komunidad para sa pera, isa na rito ang ilog na bumuhay sa ilang henerasyon ng mga pamilya roon.
Makikila rin ng team si Jonard, labing-isang taong gulang. Isang maliit na batang kayang makipagsabayan sa trabaho ng mga nakatatanda. Simpleng hangad ni Jonard — matulungan ang kapatid na makatapos ng high school.
Sa dokumentaryo, sinubukan ni Severino na kunin ang pahayag ng kumpanyang nagpapatakbo ng minahan doon pero sinalubong siya ng ilang armadong lalaki.
Kilalanin ang Chromite Kids ngayong Lunes, Nov. 26 sa I-Witness pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.
- Latest