MANILA, Philippines - Manas ang hitsura ng mukha ng isang news TV anchor. Namimintog kaya maraming nagtatanong kung anong iniinom niyang gamot o kung may pinagawa siya sa mukha niya.
Mukha raw kasing nagpa-inject ng kung ano ang news anchor. “Lalo na pag nagsalita siya, parang may kendi sa panga niya,” ayon sa isang nakapansin.
Kung sabagay wala namang nabago sa katawan niya. Hindi naman tumaba.
O baka naman sadyang manasin lang siya kahit hindi naman buntis.
Direk Chito, tinuhog ng kAtatakuTan sa Shake...!
Magsasabog muli ng katatakutan at lagim ang tinaguriang Master of Horror Films na si Chito Roño na kinumisyong magdirek ng Regal Entertainment, Inc, ng pinakamalawak at higit na pinalaking Shake, Rattle & Roll Fourteen: The Invasion. Hindi lang isa kundi tatlong episodes ang pinagbutihan ng award-winning megman na katumbas ng tatlong malalaking pelikula.
Unang ipinamalas ni Chito ang husay niya sa pagdidirek sa mga sexy movies gaya ng Private Show at Itanong Mo Sa Buwan. Kinalaunan, pinuri siya sa dramang pelikula gaya ng Nasaan ang Puso?, Narito ang Puso Ko, Separada, Kailan Ka Magiging Akin?, Eskapo, Dahas, Ang Babae sa Bintana, Curacha: Ang Babaeng Walang Pahinga, Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?, Dekada 70, at marami pang iba.
Pero higit na nagningning ang pangalan ni Direk Chito nang pasukin niya ang genre ng horror sa mga pelikula — Patayin Sa Sindak Si Barbara, Spirit Warriors 1 & 2 na nagtuluy-tuloy sa box-office giants gaya ng Feng Shui, Sukob, Tenement 2, Bulong, at ang pinakahuli niyang The Healing ni Governor Vilma Santos-Recto na ipinalabas this year.
Palibhasa alam na ni Direk Chito ang kiliti kung paano tatakutin at pasisigawin ang manonood, nagpasya ang mag-inang Mother Lily at Roselle Monteverde na siya ang gumawa sa tatlong episodes ng latest installment ng horror franchise na Shake, Rattle & Roll Fourteen: The Invasion hindi kagaya nung mga unang episodes na magkakaiba ang director ng tatlong episodes.
Eh, paboritong director din ng Metro Manila Film Festival si Chito dahil una siyang ginawaran ng best director award sa entry niyang Nasaan ang Puso? nung 1997 at last nung 2001 sa Yamashita: Tiger’s Treasure na official entry din ng Regal Films.
This year, pawang bigating istorya at cast ang napiling gawin ni Chito na isama sa tatlong episodes. Una na rito ang Pamana na pinagbibidahan ng tatlong original na cast sa Shake, Rattle & Roll 1 — Herbert Bautista, Arlene Muhlach, at Janice de Belen. Kuwento ito ng magkakamag-anak na pinamanahan ng comics ng kanilang tiyuhin. Pawang horror creatures nga lang ang nasa pahina ng komiks na nabuhay upang tugisin sina Herbert, Arlene, at Janice.
Bida naman sina Vhong Navarro at Lovi Poe sa Unwanted episode. Biktima sila ng isang trahedya at iba pa nang mag-collapse ang isang mall dahil sa malaking pagsabog. Lingid sa kaalaman nila, puno ng kababalaghan at lagim ang lugar na kinasadlakan nila dahil sa lugar na pinagtayuan ng mall!
Kuwento naman ng mga sundalong halimaw ang iniikutan ng episode na Lost Command. Mula sa simpleng military operation, dinaklot ng lagim ang Special Unit 21 nang matuklasan nila ang puwersa ng kinikilalang berdugo ng dating Vigilante Squad na Alsa Puwersa. Misyon nito ang magtatag ng hukbo ng halimaw upang ipagpatuloy ang paghahasik ng lagim ng militarisasyon. Isa-isang naging zombie ang bawat member ng Special Unit 21 pero hindi ang pinuno nito na si Martin Barrientos na hindi patatalo sa mga sundalong halimaw! Bida sa episode sina Dennis Trillo, Paulo Avelino, Martin Escudero, Rommel Padilla, at marami pang iba.
Inaasahang mas hahataw ito sa takilya dahil pawang malalaki ang artista sa bawat episode na si Direk Chito lang ang humawak.