MANILA, Philippines - DZMM ang nagwagi ng pinakamaraming parangal kumpara sa iba pang news organization sa bansa sa katatapos lang na 11th Philippine Quill Awards kabilang na ang isang Top Award in Communication Skills at dalawa pang Awards of Excellence.
Tinalo ng website ng DZMM na DZMM.com.ph ang iba pang nominees sa prestihiyosong Top Award in Communication Skills division.
Nag-uwi rin ang himpilan ng dalawang Awards of Excellence para sa DZMM.com.ph sa electronic at digital communication category at sa taunang fun run for a cause nitong Takbo Para sa Karunungan Year 2012, kung saan higit sa 4,000 ang tumakbo para matulungan ang 75 na iskolar na nasalanta ng mga nagdaang bagyo.
Sa kasalukuyan, tanging DZMM lamang ang news organization na nagwagi ng dalawang Top Awards sa kasaysayan ng Philippine Quill Awards, kabilang na ang Top Award in Communication Management noong 2010 para sa DZMM Kapamilya, Shower Na!, sang public service project na inilunsad noong October 2009 upang tugunan ang pangangailangan sa kalinisan ng mga nabiktima ng bagyong Ondoy.
Ang Philippine Quill Award ay ibinibigay ng International Association of Business Communicators Philippines. Ang IABC ay global network ng mahigit 14,000 business communication professionals sa mahigit 60 bansa. Ang Pilipinas ang unang IABC chapter sa labas ng North America.