PIK: Pagkatapos ng success ng pelikulang Busong sa ilang international film festival, tuluy-tuloy na ang pagpu-produce ni Alfred Vargas sa ilalim ng kanyang film outfit na Alternative Vision.
Proud na proud siya ngayon sa huling pelikulang prinodyus niya na Ang Supremo na tumatalakay sa kuwento ng buhay ni Andres Bonifacio.
Si Bonifacio ang itinuturing ni Alfred na national hero kaya gumawa siya uli ng isa pang pelikula.
Sa Nov. 30 kasabay ng selebrasyon ng 149th birthday ni Bonifacio ang premiere night nito na gaganapin sa SM Fairview, Quezon City.
Nangako raw ang mga descendant ng kapatid ni Bonifacio na si Procopio na dadalo sila sa premiere night.
Sa Dec. 5 na ang showing nito sa lahat na SM Cinemas at suportado ito ng Department of Education.
PAK: Hindi sumagot si Kris Aquino nang hiningan namin ng statement sa isyu nila ni Sharon Cuneta.
Nakorner namin ito sa nakaraang Silver concert ni Regine Velasquez at kagagaling lang nito sa iyak dahil sa sobrang awa sa pinagdaanan ng Asia’s Songbird sa concert na ’yun.
Nang hiningian namin ng mensahe para sa Megastar, “ayoko” lang ang sagot nito at tinalikuran na kami.
BOOM: Tulung-tulong ang mga malalapit na kaibigan ni Regine Velasquez na mabuo ang free concert na gagawin niya para makabawi raw siya sa kanyang fans.
Pagkatapos niyang magkasakit at sa hindi magandang performance nito sa 25th anniversary concert niya nung nakaraang Biyernes, nangako siyang uulitin ito kaya sinabihan ang audience na huwag itapon ang hawak nilang ticket.
Sabi nito: “I promise I’ll do it again, and I’ll do it for free. I’ll show you how it should be done.”
Kaya tilian ang mga tagahanga na talagang sumuporta sa kanya at hindi ito nilayasan.
Pati ang mga guest at si Maestro Ryan Cayabyab ay nangakong tutulong sila na walang bayad para mabuo lang ang free concert na ipinangako ni Regine.
“Siyempre babayaran naman ang ibang staff na magtatrabaho uli dahil iyon lang naman ang trabaho nila at nagpakahirap sa concert na ito,” pahayag pa ni Maestro Cayabyab.
Pero hindi napigilan ni Regine na umiyak nang umiyak sa kanyang dressing room pagkatapos ng concert dahil sa sobrang disappointment sa kanyang performance dala ng sakit na dumapo sa kanya.