Nakapaghiwalay na nga sina Derek Ramsay at Angelica Panganiban pero bakit pa nila ito pinagugulo ngayon sa kanilang paglalabas ng mga salita? Wala ba silang closure?
Ganito ang impresyon sa kanila ng mga tao sa pagbubuhay muli nila ng naging relasyon nila. Tsk, tsk, tsk!
Nakakaligaya ba sa kanila ang magsabi ng last word? Eh dapat naka-move on na sila. Ginagamit ba nila ito para sa kanilang mga career? Ang masasabi ko lang, hindi maganda ito para sa kanila.
Max Collins personal choice ni Direk Maryo J
Marami ang interesadong makilala ang ipinalit ng GMA 7 kay Kylie Padilla sa seryeng Pahiram ng Sandali. Nagngangalang Max Collins, isa siyang magandang babae na taliwas ang hitsura sa napakatapang niyang pangalan.
Una siyang kumuha ng atensiyon nang gumanap bilang best friend forever (BFF) ni Kylie Padilla sa The Good Daughter. Kasama na naman siya bilang katrayanggulo ni Kris Bernal kina Aljur Abrenica at Benjamin Alves sa Coffee Prince. Siya rin ’yun bagong artista na kinaiinisan ng fans nina Aljur at Kris dahil nakakahadlang siya sa muling pagkakabuo ng love team ng dalawa.
Si Maryo J. delos Reyes ang mismong pumili sa kanya para sa Pahiram...
Makakapalit ito ng Coffee Prince na hindi magtatagal sa ere kahit ang Koreanovelang orihinal ay naging isang big hit. Doon sa Korea at dito rin sa atin.
Anyway, madaling makaka-recover ang mga manonood ng Coffee Prince dahil maganda ang Pahiram ng Sandali at hindi pa kopya. Nasayang tuloy ang balikan nina Aljur at Kris sa CP.
Mga sticker ni Mary Grace nakakalat na
Nakakita ako ng mga sticker ni Mary Grace Poe Llamanzares na nakadikit sa mga trak. Kahit hindi mo ito matatawag na maagang pangangampanya ng anak ni Da King dahil baka kahit siya ay hindi pa ito nakikita, wala naman itong sinasabi na iboto siya kundi ang tatapusin lamang niya ang sinimulan ng kanyang ama na sa palagay ko ay isang magandang slogan para sa tumatakbong senador ng bansa para sa darating na 2013 elections.
Ngayon pa lamang ay alam mo nang ang lahat ng sumuporta kay Fernando Poe, Jr. ay iboboto siya dahil may “K” naman siya at sinserong gustong ipagpatuloy ang layunin ng kanyang ama at malakas ang suporta sa kanya ng kanyang inang si Susan Roces.
Maganda ring tinanggap ng tao ang kanyang pagiging ampon lamang ng kanyang mga showbiz royalty na mga magulang. Sa kabila ng maagang niyang pagkakatuklas ng kanyang pagkatao ay hindi naging hadlang para lumaki siyang maipagkakapuri ng kanyang mga magulang.
Lovi may panahon pang mag-iisip bago maging Kapamilya
Si Lovi Poe pala ’yung sinasabing lilipat ng ABS-CBN. Pero matagal pa ito, hanggang sa isang taon pa. Marami pang maaaring mangyari. Maaari pang magbago ang kanyang isip.
Sakali mang hindi, good luck sa kanya. Reyna siya ng kanyang sarili, walang pipigil sa kanya kung saan niya inaakalang magiging maligaya siya.
Lalong hindi ang GMA 7 na baka magtangkang pigilan siya pero siguradong igagalang ang desisyon niya. At sana pakaisipin niyang mabuti ang gagawin niya.