MANILA, Philippines - Humataw agad sa ratings ang pilot episode ng kauna-unahang kusina-serye ng ABS-CBN na MasterChef Pinoy Edition kahapon (Nov 12) tampok si Judy Ann Santos-Agoncillo at ang mga nakakaantig na kuwento ng pangarap at pakikipagsapalaran ng mga nag-audition na kusinero.
Pumalo ito sa national TV rating na 18.1%, habang nangalahati lang dito ang mga programa ng GMA na Knock Out (9.7%) at Cielo de Angelina (6.7%) at ang Face to Face ng TV5 (5.3%), base sa datos ng Kantar Media.
Bukod sa pag-trend sa Twitter Philippines ng hashtag na #MasterChefPinoyEdition, inangkin din nito ang ikawalong puwesto sa top 20 pinaka-tinutukang programa ng sambayanan kahapon at nakakuha pa ng mataas na rating kesa sa lahat ng primetime teleserye ng mga kalabang network.