Maganda ang boses ni Abby Asistio, anak nina Boy Asistio at Veronica Jones na may alopecia areata (sakit na nakakalbo). Talent siya ni Direk Dante Garcia at isa siya sa highlight sa launching ng companies niyang Trio, Panoramanila, at Glad TV. Baka isama rin niya si Abby sa mga gagawin niyang pelikula.
Kuwento ni Abby, four years old siya nang mawalan ng buhok at iba’t ibang wig ang ginamit para itago ang pagiging kalbo. Pero dumating ang oras na napagod na siyang itago ang sakit kaya tumigil siya sa pagsusuot ng wig.
Masaya ang producer sa nalamang hindi siya iniwan ng mga kaibigan kahit wala siyang buhok at mas dumami pa nga ang friends niya. Sila ang kumukumbinsi sa kanyang ilabas niya ang kanyang talent na dahan-dahan na nga niyang ginagawa.
Regine babalikan ang mga lumang kanta
Sa Friday na ang Silver concert ni Regine Velasquez at excited na ito dahil after five years, ngayon lang uli siya magkakaroon ng major concert. Anniversary celebration ng Asia’s Songbird ang concert at maisip lang niya na more than 25 years na siyang kumakanta, lalo siyang nagkakaroon ng drive na ipagpatuloy ang career na pinasok at minahal.
Kasama sa repertoire ni Regine ay songs na na-record niya na hindi na-release na single o songs na one time lang niyang kinanta. Gusto niyang kumanta lang nang kumanta sa concert niya at may gimik si Direk Rowell Santiago rito.
Kung bakit guest ang asawang si Ogie Alcasid, ito ay dahil isinulat siya nito ng mga kanta. Si Janno Gibbs dahil nakatrabaho niya ito ng matagal at si Lani Misalucha na wala siyang sinabing rason kung bakit kasama sa mga guest niya.
Sa manonood ng Silver, hintayin n’yo at may announcement sina Regine at Lani at nalaman naming tungkol ito sa paggi-guest naman ng una sa major concert ng huli next year. Sina Cacai Velasquez-Mitra at Anna Puno ang producer ng concert na celebration naman ng 15th anniversary ni Lani sa industriya.
Valerie kumikita sa perang ininvest sa ex-BF
Nahirapan si Valerie Concepcion sa role niya sa Flames of Love. Emotionally draining ang mga eksena niya na inabuso ng stepdad niya, rape victim, at kabit pa. Kaya ang ganda ng ngiti nito nang sa harap ng press ay sabihin ni Direk Gigi Alfonso that she did very well sa family drama movie na showing sa Dec. 12.
Nakatulong kay Valerie, para mas mailabas ang acting, si Jaclyn Jose na gumaganap na kanyang ina sa pelikula. Sa husay ng aktres, nakahugot siya ng emotion na bongga niyang nagamit.
Big challenge rin sa kanya sina Christopher de Leon, Dina Bonnevie, Ricky Davao, at kailangan niyang mag-level up sa co-stars niya para hindi siya mapag-iwanan. Nakita niya kung gaano ka-propesyonal ang mga nabanggit. Dumarating sila sa set na memoryado na ang lines. Kaya siya, blocking pa lang, kinakabisado na ang lines.
Walang love life si Valerie ngayon after ng breakup nila ni Dondon Hontiveros after four years of being together. Muntik na silang magpakasal pero na-realize niyang hindi pa siya ready.
“Kahit break na kami, friends pa rin kami at business partners kami sa sugar cane business niya. Nag-invest ako at okay naman ang balik. Akala ko talaga mag-aasawa na ako, hindi pa rin pala,” sabi ni Valerie.
Kylie ginaya lang si Alessandra
Mukhang malabong si Jennylyn Mercado ang ipalit kay Kylie Padilla sa Pahiram ng Sandali dahil leading lady na siya ni Sen. Bong Revilla, Jr. sa Indio. Mag-aabot ang dalawang soap kahit sa January pa ang airing ng Indio dahil tiyak na aabot hanggang next year ang Pahiram ng Sandali.
Pangalawa na si Kylie sa nag-back out sa soap dahil sa kissing scene at iba pang intimate scenes. Nauna sa kanyang mag-back out si Alessandra de Rossi sa Temptation of Wife pero mabuti’t mabilis na nakahanap nang kanyang kapalit ang GMA 7 kay Glaiza de Castro na magaling sa role ni Heidi.
Sino nga kayang Kapuso actress ang ipapalit kay Kylie na babagay kay Dingdong Dantes at babagay na anak ni Lorna Tolentino?