John estrada tanggap na tanggap ang pagkamatay ng ama
Maluwag sa kalooban ni John Estrada ang pagpanaw ng kanyang amang si Vicente Estrada noong Lunes. Namatay si Mang Vicente dahil sa cardiogenic shock sa edad na 65.
“Panatag na ang loob namin dahil mas maganda nang kasama ng tatay ko ang panginoong Diyos natin.
“’Yung kapatid kong bunso na bata pa, nawala na sa amin, ’yung mga magulang niya kasama na niya. At saka hindi na niya ma-e-experience ’yung pain na na-experience niya rito sa mundo. Panatag na ang kalooban niya,” pahayag ni John.
Nakaranas na kasi ng triple bypass operation ang tatay ni John mahigit isang dekada na ang nakalilipas. Naparalisa na rin ang kalahating katawan ng ama ng aktor nang ma-stroke noong 2009.
Ipinagtapat ng doktor sa pamilya ni John ang tunay na kalagayan ng ama nang maospital ito kamakailan.
“Noong na-hospitalize siya three months ago, kinausap na kami ng cardiologist na kailangang mag-prepare na kami kasi ’yung heart daw ng daddy ko, fifteen percent na lang nagwo-work. At the same time, naapektuhan na ’yung kidney niya, ’yung liver niya.
“Makikita mo, deteriorating na ’yung health niya. Bed-ridden na siya until he passed away,” kuwento ng aktor.
Nananatiling nakasuporta naman kay John ang asawang si Priscilla Meirelles lalo pa’t nagluluksa ngayon ang kanilang buong pamilya.
Venus gustong maging singer kahit aminadong walang boses
Bukod sa pagiging beauty queen ay abala rin ngayon si Venus Raj sa pagiging host ng Umagang Kay Ganda. Naranasan na rin ng dalaga ang pag-arte dahil nagbida na rin siya sa Maalaala Mo Kaya na tampok ang kanyang sariling life story ilang buwan na ang nakalilipas.
Nakasama na rin si Venus sa horror film na Pridyider na ipinalabas sa mga sinehan kamakailan. Ngayon ay gusto na rin niyang subukan ang pagkanta.
“I want to sing but I think my talent is not enough para makapasok sa music industry,” natatawang bungad ni Venus.
“Seriously, gusto ko talaga. Sometimes may events kami na I get to do two songs or one song, doon ako napa-practice. I love Adele. I’m a super fan, as in talaga. Pero hindi kasi ako laking music talaga na tipong naririnig mo bata ka pa. So, ngayon hirap ako sa timing, ganun. Kailangan ko talaga ng formal training para magawa ko siya nang maayos. Pero kapag matagal ko nang pina-practice ang song, mga one month one song perfect ’yun. Hahaha! Kahit nakapikit ako alam ko ’yan,” nakangiting pahayag ng beauty queen. Samantala, masayang-masaya si Venus sa kanilang relasyon ni Andrei Felix na kanyang co-host din sa morning show. Reports from JAMES C. CANTOS
- Latest