Talagang maituturing ni Angelica Panganiban na isang labor of love ang ginawa niyang indie film na Madaling Araw, Mahabang Gabi na idinirek ng kanyang kaibigang si Dante “Nico” Garcia at magsisimulang mapanood ngayong araw, eksklusibo, sa mga sinehan ng SM.
Hindi lamang naman ang Kapamilya actress ang nagbigay ng kanyang libreng serbisyo sa pelikula kundi maging ang co-stars niya. Kuwento ni Direk Ga, wala na nga raw talent fee si Angelica pero nagawa pa rin nitong pamasahihan ang 10 miyembro ng cast para lang makapunta sa lokasyon ng shooting nila sa Puerto Princesa. Ang bahagi ng kikitain ng pelikula ay itutulong para mai-promote ang magiging entry ng bansa sa nalalapit na Oscars.
Layunin din ni Direk Ga na siya ring tumatayong prodyuser ng Madaling Araw Mahabang Gabi na makapagpatayo ng isang village for aging artists.
Ipaglaban Mo eere uli
Kasabay ng pagpapa-press preview ng Madaling Araw, Mahabang Gabi ang launching naman ng isang programa na magsisimulang mapanood sa GMA News Channel sa Nov. 10, Sabado, 2:30 p.m.
Pinamagatang Ipaglaban Mo, isa itong serye na mapapanood minsan isang linggo tungkol sa mga kuwentong legal na dumaan na at nabigyan ng kalutasan sa korte.
Isang matagumpay na serye ang Kung May Katuwiran Ipaglaban Mo na unang napanood sa IBC 13. Makaraan ng mga tatlo o apat na taon ay napunta ito sa ABS-CBN na kung saan ay inabot ng 10 taon ang pagpapalabas nito. Nagawa pa rin itong pelikula.
Bago ito napagdesisyunang i-revive ng GMA News TV, nagkaroon pa muna ng programa ang mag-amang tatayong hosts ng programa na sina Atty. Jose Sison at ang anak niyang si Jopet Sison. Ito ang Ikaw at Ang Batas na napanood sa cable channel. Pag-aari ng Ipaglaban Mo Foundation ang nasabing palabas kaya hindi na kinailangang humingi ng permiso kaninuman para lang ito maipalabas muli.
Mga bagong kaso ang itatampok sa palabas ng GMA News TV. Ang unang episode na magtatampok kina Dominic Roco at Glaiza de Castro ay tungkol sa child custody. Sino ba ang may karapatang kumupkop sa isang bata na nawalan ng ina sa pagsisilang sa kanya, ang kanya bang mayamang lolo’t lola na kayang ibigay ang lahat niyang pangangailangan o ang kanyang napakahirap na ama na halos hindi kayang buhayin ang kanyang sarili, ’tapos daragdagan pa ng isang anak?
Fil-British singer na dating alaga ni Simon Cowell sumulat para mag-apir sa Walang Tulugan
Excited si German Moreno sa pagdating ng isang Fil-British talent na sumulat sa kanya at humingi ng permiso na kung puwedeng mag-guest ito sa programa niyang Walang Tulugan with the Master Showman. Bale second time na ito ng 19 taong gulang na nagngangalang Natalie na kumanta sa pang-hatinggabing programa ng GMA 7.
Four years ago, nagbabakasyon din dito ang batang singer at nakapag-guest ito sa Walang Tulugan. Nung bumalik lamang siya ng England at saka lamang tuluyang kinilala ang talento niya. Itinuturing siyang youngest and only British Filipina na naging UK Platinum Award Singer, isang pagkilala na naibigay din kina Madonna, Luciano Pavarotti, Leona, at marami pa.
Isa sa mga kanta na nasa album niya ay nasali sa Top 10 sa 20 kantang nasa British charts. Naging most requested song din ito sa Asia. Dati siyang mina-manage ni Simon Cowell, ang mataray na naging isa sa mga hurado sa American Idol at nakasama rin sa US X Factor, America Got Talent, Britain Got Talent, at iba pa.
Laplapan nina Mikael at Andrea hindi nakaka-apekto sa kanila
Maganda ang ibinigay na pagkakataon ng seryeng Sana ay Ikaw Na Nga kina Mikael Daez at Andrea Torres. ’Yung mga role nila ay nagbukas ng iba pang pinto tulad ng advertising. May mga komersiyal na silang lumalabas, tulad ng isang tatak ng vitamin para kay Mikael at isang juice drink para naman kay Andrea.
Marami ang curious kung wala bang epekto sa dalawa ang walang patumangga nilang halikan sa serye. Halos lahat ng eksena nila ay naghahalikan sila. Hindi raw ba sila nai-in love pa sa isa’t isa?
Nora kasama sa fund-raising concert kahit sira pa rin ang boses
Ano nga kaya ang gagawin ng isang Nora Aunor sa fund-raising concert ng Philippine Movie Press Club na pinamagatang Stars For A Cause na magaganap sa Nov. 24 sa Zirkoh, Quezon City? Hindi pa naman siya nakakakanta na resulta ng isang beauty procedure na pumalpak sa kanya. Hindi pa rin siya makapagpa-opera dahil nag-iipon pa siya para rito. Pero hindi siya maka-hindi sa hiling ng mga bumubuo ng organisasyon na samahan sila sa kanilang paglikom ng pondo.
Hindi naman siya mag-iisa. Sasamahan siya ng maraming artista na siyang gagawa ng hindi niya magagawa tulad nina Jake Cuenca, Jake Vargas, Bea Binene, Sexbomb, John Rendez, Paula Bianca, Miguel Aguila, Le Chazz, AJ Tamiza, at marami pang iba.