Usapang Koleksiyon pag-uusapan sa Life and Style
MANILA, Philippines - Karaniwang bawat isa sa atin ay may mga bagay na itinuturing na paborito. At dahil nga gusto natin ang mga ito’y ating itinatago at ginagawang koleksiyon.
Sa Life and Style With Ricky Reyes ngayong Sabado, alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga ay itatampok ang iba-ibang istorya ng mga taong tinatawag na kulektor. Ipakikita rin ang iba-ibang bagay na sininop dahil ang mga ito’y nagbibigay daw sa kanila ng kaligayahan at inspirasyon sa buhay.
Papasyalan ng host-producer na si Mader Ricky ang iba-ibang koleksiyong personal na gaya ng laruang kotse, manyika, Hello Kitty items, sapatos at make up. Pati na ang mas mamahaling mga branded na bag, alahas, sasakyan, gamit pambahay at kasangkapan.
“Magugulat kayo dahil matutuklasan ninyong merong mga taong lumiligaya kahit sa simpleng bagay. At meron namang mga tao na ang mga bagay na halos isang kayamanan na ang halaga ang kinasisiyahan. Sabi nga ng mga bagets – walang basagan ng trip. Kaya igalang natin ang ibang taong may kakaibang hilig at koleksiyong naiibigan,” sabi ni Mader RR.
Ang Life and Style ay produksiyon ng ScriptoVision at umeere sa GMA News TV.
- Latest