MANILA, Philippines - Sa hangarin ng Quezon City na maging sentro ng sining at kultura ng bansa, itatanghal ng Office of the Vice Mayor, na pinangungunahan ni Joy Belmonte, ang 2nd Danz for Joy competition na ang tema ay Hip-Hop Sayawan Para sa Kalikasan.
Magaganap mula Nov. 22 hanggang Dec. 1, ang paligsahang para sa mga dance group ng Quezon City ay bahagi rin ng anti-illegal drugs campaign ng lungsod para malayo ang kabataan sa masasamang bisyo.
Para lalo namang maitaguyod ang turismo ng siyudad, ang kampeon ng mundo sa sayaw ng hip-hop na Philippine All-Stars ang tatayong hurado mula elimination rounds hanggang grand finals. Ang batikang personalidad naman sa telebisyon na si Arvin Jimenez aka Tado ang tatayong host ng kompetisyon.
Isang qualifying round kada distrito ang gaganapin, at ang mga panalo ay aabante sa grand finals sa Dec. 7. Ang elimination round ng District 1 ay sa Nov. 22; ang sa District 2 ay sa 23rd; sa District 3 ay sa 24th; ang District 4 sa 29th; sa District 5 naman ay sa 30th; at ang grand finals ay sa Dec. 7.
Ang huling araw para sa pagsumite ng entries ay sa Nov. 9. Sa mga dance group ng QC na interesadong sumali, maaaring tumawag sa Office of the Vice Mayor – Culture, Arts, Film and Sports Division sa 444-7272 loc. 8208 at hanapin sina Anjo, JP o Karlo, o bisitahin ang Facebook page na qcdanzforjoy@gmail.com.