MANILA, Philippines - Personal na mararanasan ni Jeff Canoy ang pagpaparamdam ng mga ligaw na kaluluwa sa kanyang paghimay sa mga paniniwalang Pinoy sa paggunita sa mga namayapa ngayon (Oct 30) sa Patrol ng Pilipino, pagkatapos ng Bandila.
Sa replay ng espesyal na episode na ito, tinulungan ni Jeff ang isang ina na maghanap ng hustisya sa kanyang anak na ginahasa at pinatay sa tulong ng mga paranormal expert. Dito’y nagparamdam daw ang biktima sa pamamagitan ng pagbukas-sara ng mga bintana sa bahay nila.
Sasamahan din ni Jeff ang isang lolong matagal nang gustong makausap ang kanyang namayapang asawa at dadalhin siya kasama ang paranormal experts sa isang dumping site kung saan diumano’y may mga pagala-galang kaluluwa ng mga patay.
Susuriin din sa episode ang hilig ng mga Pinoy sa mga istoryang katatakutan at ipapakita ang magkaibang pananaw ng mga pinuno ng Simbahan, sosyolohista, historyador at siyentipiko. Totoo bang nilisan na ng mga kaluluwa ang mundo o sila’y gumagala lang sa paligid?