Noong Biyernes ay nagtapos na ang teleseryeng Walang Hanggan. Nagpapasalamat ang isa sa mga bida nitong si Dawn Zulueta sa lahat ng tumangkilik sa kanilang palabas. Sigurado raw na mami-miss ng aktres ang buong grupo ng kanilang serye. “Nakita talaga namin kung gaano karami ang supporters at kung gaano nila kami kamahal. Maraming-maraming salamat po from the bottom of our heart. We have our writers, producers, we’re really thankful dahil kaming mga artista umaasa lang din sa kanila, kung anong ibibigay nila sa amin na script, pero it was a joyful collaboration,” pahayag ni Dawn.
Ikinatuwa rin ng aktres ang lahat ng tagahanga ng tambalan nila ni Richard Gomez na walang-sawang sumusuporta sa kanila. “Oo nga, nakakatuwa, hindi talaga namin ‘yun inaasahan. Pero since nandito na rin lang, we’re really enjoying it. We’re so grateful to all the fans for their support,” giit pa niya.
Kung mabibigyan daw ng pagkakataon ay gusto muli ni Dawn na makagawa ng proyekto na kasama si Richard.
Wala rin daw problema kung magkakaroon sila ng maseselan na eksena basta kinakailangan sa istorya. “Absolutely! Basta okay ang schedule, siya (Richard) lang inaantay namin. Siguro naman, depende na lang sa istorya. Kami naman kasi sinundan lang namin ang istorya eh, kung kinakailangan siyempre,” pagtatapos ni Dawn.
MARTIN WALANG ORAS MAGKA-GIRLFRIEND
Nalalapit na ang pagtatapos ng teleseryeng Precious Hearts Romances Presents Pintada na pinagbibidahan nina Denise Laurel at Martin Del Rosario. Ayon kay Martin ay nae-enjoy daw niya nang husto ang pagganap bilang bida sa isang proyekto. “Sana tuloy-tuloy na, masaya and blessed. Masaya naman ako sa ginagawa ko kahit puyat na puyat na ako. At least maraming blessings kaya go lang nang go sa mga project,” nakangiting bungad ni Martin.
“Siyempre hindi ko naman feel na feel talaga pero at least ngayon it’s a good start na pinu-push ako ngayon at na-appreciate ko naman ‘yun. Nararamdaman ko na, pero siyempre hindi ko inilalagay sa ulo ko kasi ayoko ng ganun,” paliwanag pa ng aktor. Malayung-malayo raw ang ginagawa ni Martin ngayon kumpara sa mga roles na ginampanan niya noon.
“Medyo daring, kakaiba rin. Nagsimula ako sa roles na laging kapatid, laging may ate or kuya. At least ngayon level up na, naging leading man na,” dagdag pa niya.
Wala raw kasintahan ngayon si Martin dahil sa pagiging abala niya sa trabaho at eskwela. “Wala akong girlfriend ngayon.
Mas lalong walang time, dati kasi sa school, ganyan. Ngayon halos every day may taping tapos may school pa,” pagtatapat ng binata. Reports from JAMES C. CANTOS