Bumiyahe kagabi sa Los Angeles, California si Congressman Manny Pacquiao dahil ipagpapatuloy niya sa Wild Card Gym ang kanyang boxing training para sa nalalapit na laban nila ni Juan Manuel Marquez sa December 8.
Tiyak na makakahinga na ng maluwag ang Top Rank Promoter na si Bob Arum na matagal nang hinihintay ang pagsisimula ng training ni Papa Manny sa Wild Card Gym.
Mas gusto ni Arum na mag-training sa US ang Pambansang Kamao dahil maraming distractions kung mag-eensayo sa sariling bayan si Papa Manny.
BATANG AKTRES NA MARAMING ISYU, HINDI GAANONG KILALA
Shocking ang balita na ‘the who’ sa maraming tao ang batang aktres na mahilig sa libreng publicity. Sa rami ng isyu tungkol sa batang aktres, iisipin mo na sikat na sikat na siya.
Mali ang akala dahil sa kuwento na nakarating sa akin. “Sino ba si....?” ang tanong ng isang kilalang tao na araw-araw na nagbabasa ng mga diyaryo. Imagine, hindi niya kilala ang batang aktres na siguradong malulungkot dahil buo ang kanyang paniniwala na popular na popular na siya sa apat na sulok ng Pilipinas.
FANS NALUNGKOT
True ang tsismis, namatay ang mga karakter nina Coco Martin at Julia Montes sa Walang Hanggan na nag-goodbye sa ere noong Biyernes.
Nalungkot ang fans ng dalawa dahil gusto nila ng happy ending para sa love story nina Daniel at Katerina.
May mga nagkagusto naman sa katapusan ng Walang Hanggan dahil naging makatotohanan ito. Hindi na raw uso na nabubuhay ang mga bida at ang mga kontrabida ang natsutsugi.
SEN. KOKO MAY KAMPANYA SA MGA ZOMBIES
Napapanahon ang TV commercial ni Senator Koko Pimentel tungkol sa mga zombie dahil ilang araw na lang, All Saints Day na.
Ang galing ng TVC na naisip ni Senator Koko dahil pinag-uusapan ito at patuloy na nadaragdagan ang hits sa Youtube.
May bahid ng katotohanan ang eksena na ni-reject ng isang mahigpit na Comelec representative ang botante na gustong magpa-rehistro pero expired ang ID.
Nakakaloka ang eksena dahil nang umapir ang isang zombie na nakasuot ng Barong Tagalog, pinayagan siya ng Comelec representative na magparehistro, itsurang nalalaglag ang mga bahagi ng kanyang naaagnas na katawan.
Malinaw ang mensahe na nais iparating ni Senator Koko sa sambayanang Pilipino, pandaraya ang Zombie votes!
“Kapag hindi ka nagpa-rehistro, parang nagpadaya ka na rin. Di lang ng mga buhay. Pati rin ng zombie voters. Use your Kokote. Register and vote well. Kundi, patay! Nadaya na naman ang Pilipinas,” ang apela ni Senator Koko sa lahat.