Inaabangan na ng lahat ang pagtatapos ng teleseryeng Walang Hanggan sa Biyernes. Hindi raw dapat palampasin ang mga huling eksena sa nasabing serye.
Samantala, hindi pa rin mapapahinga si Coco Martin dahil marami pa rin siyang mga proyektong nakapila pagkatapos ng Walang Hanggan. “Akala ko rin makakapagbakasyon ako, marami pa akong gagawin. Marami akong hindi nagawa dahil sa teleserye. Baka unahin ’yung movie namin ni Julia (Montes), ’tapos sana matuloy ’yung sa amin ni Marian (Rivera), pati ’yung kay Ms. Judy Ann (Santos),” bungad ng actor.
Ngayon pa lamang ay maraming mga tagahanga ng tambalan nina Julia at Coco ang nag-aabang na kung ano ang susunod nilang proyekto. Ano na nga ba ang bagong ihahain ng tambalan ng dalawa?
“Pinag-uusapan namin kung ano ba ang hindi pa namin napapakita sa Walang Hanggan? Siyempre si Julia mag-18 years old na next year so mature na ’yung istorya. Napakarami pang puwedeng ibigay ngayong walang limitasyon,” nakangiting pahayag ng aktor.
Ayon pa kay Coco ay malaki ang naitulong sa kanya bilang artista ng kanilang serye.
“Siguro dahil sa show mas nahulma ’yung talent ko at sa pakikipag-kapwa tao ko. Dati kasi mahiyain ako eh. Ngayon natuto na ako maki-bonding sa kapwa artista ko,” paliwanag ng aktor.
Hindi na rin iniisip ni Coco ang kanyang kasikatan ngayon at sa halip ay pinagtutuunan na lamang niya ng pansin ang lahat ng kanyang ginagawa.
Vice Ganda tanggap kahit hindi na magka-award
Nakaka-P200 million na ang kinita ng pelikulang This Guy’s In Love With U Mare sa ikalawang linggo nito sa mga sinehan. Masayang-masaya si Vice Ganda dahil maganda ang kinalabasan ng proyekto nilang ito nina Luis Manzano at Toni Gonzaga.
“Bukod doon sa malaking kinikita, ang daming magagandang reviews ’yung sinasabi ng mga tao. Bukod sa nakakatawa, maganda ang istorya at totoo ’yung pangyayari. Nagustuhan nila, maganda ang pagkakagawa,” nakangiting pahayag ng gay comedian.
Posible na muling masungkit ng komedyante ang titulong Phenomenal Box Office Star katulad nang ipinagkaloob sa kanya ng Guillermo Mendoza Scholarship Foundation para sa pelikulang Praybeyt Benjamin noong isang taon.
“Oo, ipinagdarasal pero kung ano ang ibigay sa akin ng Diyos okay na. Sobrang malaking bonus na ’yun eh. ’Yung matapos lang namin nang matiwasay ’yung pelikula na walang naging problema. As in never kaming nagka-problema at all, ang saya-saya. ’Tapos ’yung kumita, maraming nagandahan, pinanood nang paulit-ulit, ’yung nag-pay off lahat ng pinagtrabahuhan namin,” pagtatapat ni Vice Ganda.
Samantala, ngayon ay pinaghahandaan na niya ang pelikulang pagsasamahan nila nina Kris Aquino at AiAi delas Alas na Sisteraka para sa nalalapit na Metro Manila Film Festival. Reports from JAMES C. CANTOS