Marami ang hindi nakakaalam na kay Martin Nievera tumutuloy ang mga naging grand finalists sa X Factor Philippines. Mga dalawang buwan nang nakikituloy sa bahay niya ang ilang naging finalists tulad nina Jeric Medina, Gab Maturan, Kedebon, Allen Sta. Maria, at KZ Tandingan. Bukod sa tatlong protégés niya, inampon na rin ni Martin kahit na ‘yung hindi niya protégé para magkasama-sama silang lahat at makapag-bonding pa.
At kahit ngayong tapos na ang paligsahan at nanalo na si KZ Tandingan, kasama pa rin ni Martin ang tatlong itinuturing niyang mga anak niya at maging ang mga babaeng naging finalists sa nasabing singing contest.
Pormal na ipinagpaalam niya ang mga ito sa mga magulang nila. Nasa top floor ng bahay niya na ginawa niyang istudyo ang mga ito na binigyan niya ng free board and lodging. Kahit ngayong nakatakdang mag-abroad si Martin para kumanta at dalawin na rin ang isa pa niyang anak na si Santino na magsi-celebrate ng kanyang birthday, ay welcome pa rin sa kanyang bahay ang mga bagets. Puwede silang mag-stay dun hanggang kailangan nila. Hindi niya sila pinapaalis.
Marami ang naniniwala na ang gesture na ito ni Martin ay isang indikasyon ng pagka-miss niya sa kanyang mga anak, sina Ram at Robin na kay Pops Fernandez at si Santino na nasa US kasama ang kanyang ina. At hindi naman niya ito itinatanggi pero, sinabi rin niya na gusto lamang talaga niyang magsama-sama ang lima habang ongoing pa ang X Factor Philippines.
Kung hindi pa dahil sa mga batang inampon niya, hindi malalaman ang generosity ni Martin. He gave them a place to stay, feed them, at ‘yung walang pang-shopping binigyan din niya.
Pinoy na nominated sa Emmy, karangalan ng ‘Pinas
Isang malaking karangalan ng bansa at hindi lang ng local showbiz industry ang pagkakapili kay Art Acuna para maging nominee bilang Best Actor para sa The Kitchen Musical na ginawa niya sa Singapore at nominee rin sa nalalapit na Emmy Awards, isang award giving group na kumikilala sa mga natatanging kontribusyon ng mga taga-telebisyon. Bago si Art ay nauna nang naging nominado sa Emmy’s sina Sid Lucero at Angel Locsin. Gaganapin ang Emmy Awards sa November 19 sa Hilton Hotel.
Pinal na : Kris ayaw talaga sa Sisteraka
Pinangatawanan ni Kris Aquino ang nauna niyang pahayag na hindi niya makakayang gawin ang pang-MMFF movie na Sisteraka kasama si Vice Ganda. Bagaman at nai-announce na ang pag-atras niya sa proyekto at nakuha nang kapalit si AiAi delas Alas, nagkaroon pa muli ng pagbabago dahil pumayag na raw finally si Kris na naisip ng marami na mas makabubuti dahil hindi pa kumpleto ang naging pagbabati nina Vice at AiAi. Magkakaroon ito ng epekto sa pagsasama nila sa pelikula.
Pero pinal na marahil ang huling naging desisyon ni Kris na nagsabing mas prayoridad niya ang pagiging TV host niya. Nagsa-suffer ito kapag masyado siyang napapagod dahil nawawalan siya ng boses. Katulad nang napatunayan ng maraming nanonood ng kanyang pang-umagang programa nang ilang araw siyang napaos at ipinamahala sa iba ang show.
May mga regular siyang programa sa ABS-CBN na kailangang pagtuunan niya ng pansin, tulad nang nakatakdang magsimulang Kailangan Ko’y Ikaw kasama sina Robin Padilla at Anne Curtis.
Nakatakda na ring simulan ang bagong season ng Pilipinas Got Talent kaya talagang hindi niya kakayanin ang tumanggap ng isa pang proyekto, lalo na ng isang pang-MMFF dahil sa Disyembre na ito.